Home HOME BANNER STORY Cebu quake na kumitil sa 63 katao dulot ng fault na ‘di...

Cebu quake na kumitil sa 63 katao dulot ng fault na ‘di gumalaw ng 400 taon

295
0

Ang lindol na magnitude 6.9 na tumama sa Bogo City, Cebu nitong Martes at ikinasawi ng 63 katao ay dulot ng isang offshore fault na hindi gumalaw sa loob ng mahigit 400 taon, ayon sa PHIVOLCS nitong Miyerkules.

“Sa huling 400 taon, ngayon lang ulit gumalaw ang fault na nagdulot ng lindol kaya ito malakas,” ayon kay Dr. Winchelle Ian Sevilla, hepe ng Seismological Observation and Earthquake Prediction Division ng PHIVOLCS.

Ipinaliwanag niyang wala pang opisyal na pangalan ang fault at pansamantalang tinatawag itong “offshore fault” dahil nasa dagat ang lokasyon. Nagpadala na ng quick response team upang masusing pag-aralan ito.

Binigyang-diin ng PHIVOLCS na kabilang ang Cebu sa seismically active zone ng bansa, kung saan may mga istrukturang gaya ng Bogo Fault, Daanbantayan Lineament, at Cebu Fault System, bukod pa sa iba pang inland at offshore faults na kayang magdulot ng maliliit hanggang malalakas na lindol.

Ayon sa datos, hindi bababa sa walong malalakas na lindol na may magnitude 5.0 hanggang 7.2 ang tumama sa Cebu at karatig na probinsya mula 1885 hanggang 2013, kabilang ang Negros Oriental quake noong 2012 (M6.9) at Bohol quake noong 2013 (M7.2). RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here