MANILA, Philippines – Negatibo si Russian vlogger Nikita Chekhov sa HIV kasunod ng medical examinations na isinagawa ng Department of Health (DOH) at Bureau of Immigration (BI) matapos siyang magbanta na magpapakalat ng HIV sa Metro Manila.
Sa pahayag, kinumpirma ng BI na si Chekhov ay non-reactive sa HIV nitong Huwebes ng umaga at sinabing ang kanyang mga banta ay isang uri ng “rage-bait.”
Ani BI spokesperson Dana Sandoval, ang mga aksyon ni Chekhov ay sapat na para ituring itong undesirable alien na magtutulak sa kanyang deportation at blacklisting mula sa Pilipinas.
“Nakakabahala po kasi yung ginawa niya, lalo na’t nag-viral siya sa social media giving out threats na siya ay magkakalat ng HIV sa BGC. Nag-cause po ito ng panic sa mga netizens, kaya nakita po natin na this also constitutes undesirability,” sinabi ni Sandoval sa isang panayam.
“Yung kaniyang ginagawa ay undesirability, meaning yung pananatili niya sa Pilipinas ay detrimental na to public order and public safety,” dagdag ni Sandoval.
Naghihintay pa ang BI ng desisyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung may isasampang lokal na kaso laban sa naturang vlogger.
Nauna nang sinabi ni Chekhov na wala siyang HIV at layon lamang gumawa ng content.
“I analyzed it and saw that some Filipinos think of foreigners in a very stereotypical way. I was getting many comments like ‘stop spreading your viruses, foreigner,’ ‘passport bro,’ ‘lbh,’ ‘HIV alert,’ just for being me. I was just doing some dances, silent TikToks, and still getting that hate,” anang vlogger.
“And as a content creator, I analyzed and thought, how do I attract attention? That’s how I came up with the ‘spread HIV’ thing. I literally said out loud what Filipinos were saying to me. I was expecting it to become a meme,” dagdag pa nito.
Nilinaw din ni Chekhov na walang siyang balak magpakalat ng HIV, bagama’t hindi siya humihingi ng tawad sa paglikha ng video.
“But now I understand more about the standards and rules of living with Filipinos.”
Inihalintulad naman ni Health Secretary Teodoro Herbosa likened Chekhov ang banta nito na magpakalat ng HIV na tulad ng isang bomb threat sa airport.
“Para kang nagsabog ng biological bomb at puwede talagang gawin ‘yan ng isang indibidwal. Kaya kapag sinabi mo ‘yan, nagbibigay ka ng masamang ideya sa ibang tao at baka totoo iyon. Aarestuhin ka talaga,” ani Herbosa.
“Yung verbal threat niya sa vlog can be an actual threat, kaya pati safety ng arresting officer pinag-usapan namin. Yung koordinasyon para arestuhin siya ay malaking trabaho, at pati ang pag-test kinabukasan ay isang malaking operation. Dalawang ospital ang kinoordinate ko para matest siya,” dagdag pa nito.
“Dapat talaga pag-usapan namin ni Commissioner Viado para mabawasan yung mga pumupunta sa Pilipinas para sa sex tourism at mga posibleng sources of HIV.” RNT/JGC