MANILA, Philippines – Umabot na sa 2,271 domestic adoption orders ang naisyu ng National Authority for Child Care (NACC) hanggang Hunyo 3, bilang bahagi ng pagpapatibay ng mga programa para sa pag-aampon at alternatibong pangangalaga sa mga bata.
Sa inilabas na pahayag nitong Biyernes, sinabi ng NACC na nakapag-isyu rin ito ng 509 adoption decrees at 524 certificates of authority to conduct adoption para sa intercountry adoption.
Ayon sa ahensya, 1,086 foster children ang kasalukuyang nasa pangangalaga ng mga lisensyadong foster parents sa buong bansa.
Sa bilang na ito, 747 bata ang tumatanggap ng buwanang subsidiya mula P8,000 hanggang P10,000, depende sa kanilang pangangailangang medikal.
Mula 2023, umabot sa 170 bata sa Central Visayas ang idineklarang legal na maaaring ipaampon.
Sa mga ito, 81 ang nailagay na sa permanenteng pamilya sa Pilipinas, habang 74 naman ang nananatili sa pangangalaga ng mga lisensyadong foster parents.
Sa kabuuan, 327 bata sa rehiyon ang nakinabang sa mga programa at serbisyong may kaugnayan sa adoption at alternative child care sa naturang panahon.
Inilahad ng NACC ang mga datos sa ginanap na 18th Philippine Global Consultation on Intercountry Adoption and Alternative Child Care sa Lapu-Lapu City, Cebu mula Hunyo 30 hanggang Hulyo 2.
Sa pagbubukas ng konsultasyon, hinikayat ni NACC Undersecretary Maria Gabriela Concepcion ang mas matibay na pagtutulungan upang maisulong ang adoption at alternative child care programs sa gitna ng nagbabagong demograpiya, estruktura ng pamilya, teknolohiya at mga sistema.
Aniya, mahalagang mapanatili ang mataas na pamantayan sa child protection, makasabay sa nagbabagong panahon, at matiyak na ang kapakanan ng mga bata ang nananatiling sentro ng mga polisiya at programa. RNT/JGC