Home OPINION NAGKAGULO-GULO NA KAY TORRE

NAGKAGULO-GULO NA KAY TORRE

274
0

ANYARE na sa tila biglaang pagsibak kay dating Philippine National Police chief General Nicolas Torre at mabilisan ding pagtatalaga ng kapalit niya?

Sa totoo lang, nagkagulo-gulo na ang lahat.

At sa parte mismo ni Torre, isang hindi masukat na pagkapahiya ang naranasan niya.

‘Yan ay kung hindi niya matanggap nang basta-basta na ang katulad niya bilang presidential appointee ay dapat “mag-serve at the pleasure of the President.”

At anomang oras, pwede siyang tanggalin ng Pangulo ng Pinas, may dahilan man o wala.

Kung kailan mapapanatag ang lahat, panahon lang ang makapagsasabi.

BAKIT DAW SI TORRE?

Para sa mga nag-a-idolize kay Torre dahil sa pagdakip nito kina Pastor Quiboloy, pinuno ng Kingdom of Jesus Church, at dating Pangulong Digong Duterte, hindi umano siya dapat sinibak.

Dapat ang mga katulad ng mga pinuno ng gobyerno na sangkot sa mga napakalalaking iskam, gaya ng bilyon-bilyong pisong anti-flood control projects, ang agad na pagsisibakin…na hanggang ngayo’y hindi pa ginagawa umano ng Pangulo sa kabila ng maliwanag pa sa liwanag ng araw na dapat pagsisibakin.

Si Torre umano ay kabilang sa mga dapat na pangalagaan ng gobyerno dahil wala itong sinasanto.

Kaya lamang lumilitaw ding kalahati o bahagi lang na kwento umano ang pinanghahawakan ng mga taga-hanga niya.

May iba pang mahahalagang usapin na dapat isaalang-alang.

EXCEEDED HIS AUTHORITY

Para naman ng katulad ni dating PNP chief at ngayo’y nagbalik-senador na si Ping Lacson, may naging mga pagkilos si Torre na lumabis sa kanyang kapangyarihan o “exceeded his authority.”

Isa rito ang pagwawasiwas nito ng kapangyarihang magsibak at maglipat ng mga tauhan niya nang walang paalam sa Pangulo na si Bongbong Marcos o kahit man lang sa ex-officio head ng National Police Commission na si Department of the Interior ang Local Government Jonvic Remulla.

Isa rito ang nasa 11 heneral na pulis umano ang kanyang sinibak sa pwesto at pinaglilipat o pinagrigodon sa pwesto.

Kasama rito si Lt.Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na number 2 sa ranggo sa PNP na kanyang itinapon sa Mindanao at ipinalit dito si Lt. Gen. Bernard Banac na dating PNP spokesperson.

Kasama rin sa mga ni-rigodon umano ni Torre ang mga police regional director.

Ayon sa mga balita, inorderan ng Napolcom sa ilalim ni Commissioner Atty. Rafael Vicente Calinisan si Torre na ibalik si Nartatez at si Banac sa kani-kanilang pwesto ngunit hindi niya sinunod.

Nakabatay ang order sa Napolcom Resolution No. 2022-473 na nagsasabing dapat kumpirmahin muna ng Commission En Banc ang anomang pagtatalaga o paglilipat ng “third level positions” sa PNP bago ito isagawa.

Dito na nagsimulang magkandahetot-hetot si Torre hanggang sa sibakin na nga siya nang biglaan.

Sa pagsibak kay Torre, higit na mahalaga umano ang pagsunod sa batas o patakaran upang maiwasan ang anomang kaguluhan at kalituhan at mapanatili ang kapanatagan sa institusyong gobyerno para sa mabisang paglilingkod, gaya ng pagpapanatili at pagsusulong ng peace and order na tungkulin ng pulisya na ipatupad.

Sana hindi magkandaletse-letse ang gobyerno sa rami ng kababalaghang nagaganap ngayon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here