MANILA, Philippines – Magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa ang trough ng Low Pressure Area (LPA) at southwest monsoon o habagat ngayong Huwebes, Agosto 28.
Huling namataan ng PAGASA ang LPA sa layong 435 kilometro kanluran ng Sangley Point, Cavite City at ang habagat ay nakakaapekto naman sa Southern Luzon, Visayas, at Mindanao.
Mayroong mataas na tsansa na mabuo bilang isang tropical depression sa susunod na 24 na oras ang naturang LPA.
Dahil dito, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm dahil sa trough ng LPA ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Isabela, Quirino, at Nueva Vizcaya.
Maulap na kalangitan din na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm ang mararanasan saa Visayas, MIMAROPA, Bicol Region, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, at Quezon dahil sa southwest monsoon o habagat.
Samantala, ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms dahil sa trough ng LPA at ang nalalabing bahagi ng Mindanao dahil sa habagat. RNT/JGC