Marami ang nagulat sa pagsibak ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr kay P/Gen. Nicolas Torre III bilang pinuno ng Philippine National Police (PNP).
Ang akala kasi ng marami, kahit mismo ni Torre, ay bigatin na siya kay PBBM. ‘Yun bang hindi matitibag sa kanyang posisyon.
Aba’y ginawa ni Torre ang lahat, masunod lang ang “kapritso” ni Bongbong, tapos ay bigla siyang sisipain sa poder. Sobrang napahiya naman ang mama.
Isinusumpa ng maraming Pilipino si Torre nang arestuhin niya si dating Pangulong Rodrigo Duterte at dalhin sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands.
Siya rin ang nanguna sa pagdakip kay Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy, hakbang na hindi nagustuhan ng milyong kasapi ng sekta.
Dahil sa mga “accomplishment” na ‘yan, gantimpala kay Torre ang posisyong PNP chief.
Ngunit may ilang analyst ang nagsasabi na ginawang “sacrificial lamb” si Torre upang maging malaking balita na magtatakip sa mas malaking isyu na kinakaharap ng administrasyon — ang pandarambong sa pera ng bayan na napunta sa mga palpak na flood control projects.
Hindi na mapigil ang pagbaha ng batikos sa gobyernong Marcos, Jr. dahil sa pag lalabas ng mga isyu ng kurakutan.
Sabi nga nila, ang pagsibak kay Torre, ay bahagi ng isang malaking iskema para ilihis ang pokus ng sambayanan sa nangyayaring nakawan sa pamahalaan.
Dahil tauhan lang, walang magagawa si Torre kundi ang sumunod lang sa kanyang boss. Pero masakit ito para sa kanya, ‘pagkat kahit pa siya ay “tuta lang” ay nakakababa ito sa kanyang dignidad.
Malay naman ni Torre, baka hindi magtagal ay ilagay siya sa ibang pwesto ng kanyang mga amo na hindi matatanggihan.
Aba’y takot lang nila. Kahit naman sinong “mapagkakatiwalaang alaga sa bahay” kapag ginutom ay magwawala’t magwawala at mananakmal.
‘Yan ang ating abangan sa susunod na kabanata.






