BINABATI natin ang ‘Team Nepomuceno’ ng Bureau of Customs sa pangunguna ni Commissioner Ariel Nepomuceno, sa matagumpay na pagkakabisto kahapon ng isang “sindikato” na nagpapalusot ng mga sigarilyo.
Sa ginanap na ‘press conference’ kahapon sa loob ng isang warehouse sa Phil Asia Industrial Compound sa Plaridel, Bulacan, kung saan isa kami ni kasamang Tony Arsenal sa mga “miron,” aabot sa higit P605 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang yosi mula sa Vietnam at China.
Ayon pa sa BOC, ‘direct smuggling’ ang naging diskarte dito ng sindikato dahil hindi ito “ipinasok” sa ano mang ‘collection district’ ng BOC at ipinilit “ilusot” gamit naman ang isang pantalan sa lugar ng Vitas, Tondo.
Lingid sa mga kurimaw, Agosto 21 pa lang ay bistado na sila ng mga operatiba ni Deputy Commissioner for Intelligence Romeo ‘RR’ Rosales at Customs Intelligence Director Tom Narcise subalit pinabayaan lang muna silang “magdiskarga” bago isinagawa ang operasyon kaya ang resulta, “Huli ka, Balbon!”
Kudos din sa grupo ng ating “tukayo” na si IO3 Paul Pacunayen sa “matiyaga” nilang paggampan sa kanilang trabaho kaya hawak na rin ng BOC ang isa sa mga suspek, si Randy Guevarra Ngo, na siyang “umarkila” sa nasabing warehouse na pinagdalhan sa kargamento.
Dapat din siyempreng magpaliwanag itong may-ari ng Elromyzra Trucking na siya namang naghakot ng mga puslit na sigarilyo. Para naman hindi “madiin” ang pobreng driver at pahinante na naaktuhan ng BOC sa loob ng warehouse.
Sa ganang atin, ‘big time’ at malawak ang sindikatong nasa likod nito. Pero ang malinaw, hindi kasabwat ang Team Nepomuceno. Kung kasabwat sila, eh, “lusot” na ito, siyempre!
Galing sa labas ng bansa ang mga yosi na siyempre, sakay din ng barko. Ano kaya ang komento ng Philippine Coast Guard, Maritime Industry Authority at Philippine Ports Authority rito na dapat ay unang nagbabantay sa ating mga pantalan at karagatan at mga sasakyang pandagat?
Ano yan, “nagkawayan” na lang ba sila? hehehe!
Abangan natin ang susunod na kabanata!






