ATING balikan at tutukan ang kritikal na isyu ng malawakang korapsiyon sa flood control budget. Kabilang dito ang reklamong natanggap ni PBBM sa sumbongsapangulo.ph website kung saan nakumpirma niyang isang ghost flood control project pala ang kanyang binisita sa Baliwag City, Bulacan.
At heto pa, ayon pa sa dokumentong hawak ng Pangulo, fully paid na ang contractor na dapat sana’y gagawa ng proyekto para hindi bahain ang lugar.
Sa galit ni Pangulong Marcos, sinabi niyang isa itong “economic sabotage” kaya agaran niyang iniutos ang pagpa-file ng kaso sa kontratista at pag-iimbestiga sa ilang district officials ng Department of Public Works and Highways. Ayun, may show-cause order na at nasa floating status pa ang nasasangkot na mga engineer. Susmaryosep, ano ba iyan???
Makalipas lamang ang ilang araw, kalaboso naman ang isang DPWH district engineer dahil sa kasong bribery. Mantakin mong sinubukan niyang suhulan ang bagitong si Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste na aktibong nag-iimbestiga sa flood control project sa kanilang lugar. Mabuti na lamang at wala sa bokabularyo ni Leviste ang ganitong kalakaran. Agad siyang tumawag ng pulis kaya naman preso ang binagsakan ni Engineer, tsk-tsk-tsk! Kudos kay Congressman at sana dumami pa ang tulad niya. Pero kanino kaya galing ang inisyal sanang P3M na isinupot ni Engineer upang pangsuhol? Kung ako sa kanya, mag-i-state witness ako.
May mga aabangan pa tayo dear readers. Ngayon, nagiging malinaw na kung bakit tayo binabaha. Maliban sa nasirang kabuhayan, klaro na sa atin kung bakit lumalaganap ang leptospirosis. May nagka-dengue rin, malaria at iba pang sakit. Hindi ‘climate change’ ang dahilan ng mga pagbaha kundi ang pagtitipid at pangungurakot ng mga sangkot na kontratista. Hindi tayo pinanganak kahapon kaya hindi maling sabihin na malaki ang nakurakot este partisipasyon ng ilang opisyales ng pamahalaan.
Kalat sa mainstream at social media ang pagkalunod sa pera ng mga kawatan. Sila ang ating sisingilin kaakibat ang matitibay na ebidensya, boses at pagkakaisa.
Patuloy tayong magbantay, makialam at magsumbong. Hindi tayo papayag na tuluyang malunod o maperhuwisyo ng bahang mga buwaya pala ang may gawa.






