MGA pagbati ang dapat na sumalubong sa bagong PNP Chief na si Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., pero sa halip na “yehey!,” ang umalingawngaw sa pinakamalaking kabanata sa kanyang career ay isang dambuhalang “bakit?”
Siyempre pa, ang nasabing tanong ay walang kinalaman sa kanya kundi sa napakapopular na kanyang pinalitan, si Gen. Nicolas Torre III — na maitatala sa kasaysayan bilang hepe ng PNP na nagsilbi sa pinakamaikling panahon.
Hindi pa nga siya nag-iinit sa kanyang pwesto sa Camp Crame, nagsilbi siya sa loob lang ng 85 araw bago initsapuwera ng Malacañang. Ngayon, wala namang kumukwestiyon na ang Pangulo lamang, alinsunod sa batas at sa tradisyon, ang makakapag-appoint — at disappoint — ng mga miyembro ng kanyang Gabinete at pinuno ng mga tagapagpatupad ng batas. Hindi naman iyon ang issue.
Pero ang nakakawindang para sa mga opisyal ng pulisya at ng publiko ay ang pagkahilig ni Marcos sa drama, intriga, at biglaang plot twists.
Ang simpleng pagpapatupad lang ng executive authority ay naging isa nang telenovela na pampulitika, nagpasimula sa tsismisang namumutiktik sa espekulasyon at conspiracy theories. Magandang libangan para sa netizens, pwede naman — pero hindi magandang tingnan para sa mga nagpapatakbo sa gobyerno.
Ipupwesto ba si Torre sa binakante ng napakahusay na National Bureau of Investigation Director na kakababa lang din sa pwesto sa kawanihan? Siya na ba ang mamumuno sa napaka-corrupt na Department of Public Works and Highways? Ganyan kadesperado ang netizens sa panghuhula sa magiging susunod na kabanata para kay Torre, na biglaang namayagpag sa pwesto matapos sumikat ngayong taon bilang numero unong kontrabida kay Duterte.
Ang sabi ng Malacañang, tinanggal daw sa pwesto si Torre sa pambabalewala sa resolusyon ng National Police Commission o Napolcom kaugnay ng kanyang balasahan sa pulisya, isang paglabag sa protocol. Gayunman, nilinaw mismo ni Interior Secretary Jonvic Remulla na walang ginawang krimen, walang anomang paglabag, at walang kinakaharap na kaso si Torre.
Sa halip, inalok pa nga raw ng “possible new government post” si Torre dahil pinahahalagahan umano ng Presidente ang kanyang karanasan. Kung totoo ito, bakit may biglaang pagsibak sa pwesto? Bakit kailangang hiyain ang isang de-kalibreng opisyal na pinaharap si Quiboloy sa hustisya at nagsilbi ng arrest warrant kay Duterte?
Dito na mararamdaman ang kayabangan ng mga nasa kapangyarihan. Gamit na gamit ng Palasyo ang linyahang “pleasure of the President,” na para bang ang pagseserbisyo sa publiko ay isang pribadong dinner party kung saan pwedeng basta na lang itaboy ang mga bisita nang walang anomang paliwanag. Pero mga tanggapan ng gobyerno ito, gumagamit ng buwis ng taumbayan, at karapatan ng bawat Pilipino na malaman ang katotohanan kung bakit biglaan na lang inalis sa pwesto ang pangunahing pulis na halos nagsisimula pa lang tumupad sa kanyang mandato.
Nakagagalit na parehong administrasyon din ang piniling magsawalang-kibo laban sa mga opisyal na nasasangkot sa bilyun-bilyong pisong iskandalo — tulad ng kalihim ng DPWH na nagtatampisaw sa ghost flood-control projects — pero ang bilis umaksyon sa pagtatanggal sa pwesto ng isang hepe ng pulisya, na walang dudang mahusay na ginagampanan ang kanyang tungkulin.
Kaya congratulations kay Gen. Nartatez. Pero ang tunay na malaking balita sa usaping ito ay hindi ang pagkakatalaga niya sa puwesto — ito, muli, ay ang dambuhala at hindi pa rin nasasagot na “bakit” kaugnay ng pagkakasibak ni Torre sa pwesto. At hanggang hindi inaamin ng Malacañang ang totoo, ang bawat bagong appointment sa gobyerno ay magiging malayo sa imahe ng mahusay na pamumuno, dahil mas hitsurang nakadepende sa kapritso ng Presidente.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.






