MANILA, Philippines – Binigyang-diin ng Department of Justice (DOJ) na ang sinumang magkakanlong sa negosyanteng si Atong Ang ay mananagot din sa batas.
Ayon kay Atty. Polo Martinez, ang tagapagsalita ng Justice Department, ang parusa sa mga tutulong para magtago at mapigilan ang pag-aresto kay Atong Ang ay katumbas ng katulad na aksyon sa paglabag sa Presidential Decree 1829.
Sa PD 1829 ay isang batas na nagpaparusahan sa mga gawaing humahadlang sa paghuli at paglilitis sa mga lumalabag sa batas tulad ng pagtatago sa mga pugante, pagmamanipula ng ebidensya, o pananakot sa mga testigo na may mga parusa tulad ng pagkakakulong, multa, at perpetual na pag-disqualify sa mga pampublikong opisyal.
Layunin nitong labanan ang pagwawalang-bahala sa pagpapatupad ng batas sa pamamagitan ng pagpaparusa sa mga gawaing humahadlang sa hustisya.
Naniniwala ang DOJ na si Atong Ang ay hindi pa nakakaalis ng bansa at nagtatago lamang.
Nahaharap siya sa reklamong kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention na pawang walang inirekomendang piyansa.
Kaugnay pa rin ito sa mga nawawalang mga sabungeros kung saan isinasangkot siya at itinuturong mastermind.
Sinabi ni Martinez na wala pa silang nakukuhang beripikadong impormasyon na lumabas ng bansa si Ang base na rin sa datos ng BI. Jocelyn Tabangcura-Domenden