Home METRO Nagpanggap na pulis timbog sa baril sa Las Piñas

Nagpanggap na pulis timbog sa baril sa Las Piñas

MANILA, Philippines – Nabuko ang pagpapanggap na pulis ng isang armadong impostor matapos sitahin ang isang lehitimong jail officer sa Las Piñas City Huwebes ng madaling araw, Mayo 30.

Sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD) ay kinilala ang nadakip na suspect na si alyas Jerone, 45.

Base sa imbestigasyon ng Las Piñas City police, inaresto ang suspect dakong ala 1:30 ng madaling araw sa kahabaan ng P. Diego Cera Avenue, Barangay E. Aldana, Las Piñas City.

Nauna rito ay napag-alaman na sinundan at pagkatapos ay hinarang ng suspect lulan ng kanyang motorsiklo ang daan ng isang jail officer kung saan nagpakilala itong pulis.

Nang hanapan ito ng pagkakakilanlan o ID bilang isang pulis ay wala itong maipakita at agad na lang na umalis pasakay ng kanyang motorsiklo ngunit napigilan ito ng jail officer na ngdulot ng kanyang pagkakaaresto.

Sa puntong ito ay tumawag na ng responde ang jail officer na agad namang dumating ang mga tauhan ng Zapote Substation na nagsagawa ng standard operating procedure (SOP) na body search kung saan narekober sa suspect ang isang kalibre .45 M1911 na may serial number na 1453895 at dalawang magazine na kargado ng 15 bala.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Las Piñas City police ang suspect na nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at usurpation of authority sa Las Piñas City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan