MANILA, Philippines- Hinamon ng Malakanyang ang mga nagpapakalat ng pekeng balita na patunayan na edited ang kamakailan lamang na ini-upload na larawan ni Unang Ginang Liza Araneta-Marcos.
Tinukoy ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang isang larawan na naka-post sa official Facebook page ng Unang Ginang, araw ng Sabado, Marso 22 na may caption na “Regular meeting of the Asian Cultural Council; Pangarap Clubhouse, Malacañang Park, Manila | 21 March 2025.”
Sa nasabing larawan, makikita si Liza Marcos na nakasuot ng asul na damit sa dining area kasama ang mga bisita.
Gayunman, may ilang netizen ang nagsabi na ‘edited’ ang nasabing larawan.
Bilang tugon, sinabi ni Castro na walang alam sa miting ang mga bumabatikos sa larawan.
“Those who usually criticize are those who are not privy to any meeting. What can we expect from those who know nothing? Madaling magpretend na [it’s easy to pretend] as if they know everything,” ayon kay Castro.
“Anyway, it is better to challenge these fake news vloggers/bloggers to show their own verified evidence that will counter that photo,” dagdag niya.
Nauna rito, mariing pinabulaanan ng Palasyo ng Malakanyang ang ulat na kumakalat sa social media na-hold ng US authorities si Liza Marcos habang siya ay nasa Los Angeles sa California.
Nagkaroon kasi ng working visit sa Estados Unidos para magpartisipa sa Meeting of the Minds and the Manila International Film Festival. Siya ay nasa Miami, Florida at Los Angeles, California mula Marso 5 hanggang 8.
Nito lamang Marso 15, personal na pinangunahan ng Unang GInang ang awarding ceremony sa Go Negosyo’s Women Summit 2025, pagkilala sa mga natatanging kababaihang entrepreneurs para sa kanilang kontribusyon at pamumuno sa negosyo. Kris Jose