Home METRO Nagpaputok ng baril sa mga residente sa demolisyon sa Pampanga pananagutin ng...

Nagpaputok ng baril sa mga residente sa demolisyon sa Pampanga pananagutin ng alklade

PAMPANGA – NANGAKO si Angeles City Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin Jr. na pananagutin nito ang isang real estate company na umano’y nasa likod ng mga pamamaril sa isang demolition sa Angeles City, Pampanga, na ikinasugat ng ilang residente.

Ayon kay Mayor Lazatin, kinokondena nito ang pamamaril sa mga residente, nitong nakaraang Marso 12, sa Sitio Balubad, Barangay Anunas, Angeles City, kung saan anim na residente ang nasugatan.

Batay sa ulat, nag-ugat umano ang madugong kaganapan bunsod na din ng matagal nang alitan sa pagitan ng mga residente sa nasabing lugar at ng demolition team ng Clarkhills Properties Corporation dahil sa pinagtatalunang lupain.

Nagsimula umano ang planong demolisyon sa nabanggit na lugar noong Oktubre 2023 ngunit hindi umano ito natuloy dahil sa pagharang ng mga residente ng Sitio Balubad.

Noong Pebrero 8, 2024, nagsagawa umano ng sorpresang demolisyon ang demolition team ng Clarkhills na nagresulta ng mainit na komprontasyon nito sa mga residente sa nasabing lugar.

Nabatid na ilang beses umanong nagsagawa ng demolisyon sa nasabing sitio na hanggang sa humantong sa pamamaril nitong Marso 12.

Ayon sa mga testimonya ng mga saksi, may nagpaputok ng baril patungo sa mga residente habang itinatayo nilang muli ang kanilang mga pader na winasak ng mga demolition crew, na nagresulta sa mga pagkakasugat ng mga ito.

Dagdag pa ng ilang residente na pinapasok din umano sila ng tauhan ng real state company at nanunutok umano ang mga ito ng baril.

Ayon sa mga residente, hindi umano ito ang unang pagkakataon na may nagpaputok ng baril.

Bagama’t walang naiulat na pinsala sa nasabing insidente, pabalik-balik umano ang mga tauhan ng Clarkhills sa nabanggit na lugar at patuloy sa mapang-abuso at marahas nilang gawain.

Dahil dito, nakipagpulong si Mayor Lazatin sa mga opisyal ng Balubad Homeowners Association kung saan tiniyak nito sa mga residente ng lugar na sisikapin ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Angeles na maisaayos ang mga pinagtatalunang lupa at papanagutin ang mga salarin. RNT

Previous articlePGH ‘di muna tatanggap ng mga bagong pasyente sa emergency unit
Next articleBagong appointees ng Malakanyang, pinangalanan