Home OPINION NAGUGUTOM DUMAMI

NAGUGUTOM DUMAMI

SINABI ng Social Weather Station na dumami ang nagugutom na Pinoy bago naganap ang halalang Mayo 12, 2025.

Sa sarbey na ginawa ng SWS noong Abril 23-28, 2025 o dalawang linggo bago maganap ang halalan, tumaas ang bilang ng nagsabing sila’y nagugutom sa 20 porsyento kumpara sa 19.1% na nagsabing sila’y ganito noong Abril 11-15, 2025.

Bago nito, lumabas noong Marso 2025 na nasa 27.2% ang nagugutom kaya malaki ang ikinaliit ng bilang nila.

Kumonti rin umano ang bilang ng mahihirap sa 50% nitong Abril 2025 kumpara sa 63% na katumbas ng 17.4 milyong pamilya noong Disyembre 20924.

BATAYAN NG GUTOM AT KAHIRAPAN

Kung titingnan ang mga pangyayari makalipas ng nasabing sarbey, nagkaroon ng halalan at pinairal ang P20 kada kilo ng bigas.

Sa halalan, marami ang tumanggap ng sari-saring “ayuda” mula sa mga programa ng pamahalaan o mga kandidato.
At makalipas ng halalan, pinagana naman ang P20/k na bigas.

Sa susunod na sarbey, mababago kaya ang sasabihin ng mga tao sa mga sarbeyor at mas marami ang magsasabing hindi sila nagutom minsan o kaya’y hindi na sila laging nagugutom sa kakulangan ng pagkain at hindi mahihirap?

Pero hindi lang naman ang mga ayuda at P20/K bigas ang nagtatakda ng kagutuman.

Naririyan ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kuryente, tubig, gastos sa pagpasok ng milyong-milyong bata sa eskwela, mahal na gamot, gastos sa produksyon sa hanay ng mga mangingisda at magsaka, kasama ang mahal petrolyo at maliit na sahod at pagkawala ng hanapbuhay sa paghina o pagkalugi ng mga negosyo at iba pa.

Tanging ang mga empleyado at opisyal lang ng pamahalaan at iilang mayaman ang nakararamdam ng ginhawa sa pagkakaroon ng tiyak at mataas na sahod o kita.

Kasama rito ang mga sundalo, pulis, bumbero, guro, taga-BJMP, taga-Malakanyang, Kamara at Senado, Government Owned and Controlled Corporation at Government Financial Institution at may kontrol ng malalaking negosyo o monopolyo gaya ng mga kompanya ng langis at iba pa.

ANG IBA KAYA?

Maghihintay pa tayo ng ibang mga resulta ng sarbey ukol sa gutom at kahirapan.
Ano naman kaya ang lalabas, magbabago na kaya?

Noong kasagsagan ng kung sino-sino ang mga posibleng manalo sa pagka-senador sa halalang Mayo 2025, nagmukhang panalo halos lahat ng kandidato ng administrasyon sa halos lahat ng sarbey, kasama ang sa SWS.

Pero makalipas ang halalan, anak ng tokwa, mas marami ang nanalo na kalaban nila.

Ano-ano nga kaya ang resulta ng mga susunod na sarbey sa gutom at kahirapan?