Home METRO Nagwalang Chinese national tiklo sa shabu sa Pasay

Nagwalang Chinese national tiklo sa shabu sa Pasay

MANILA, Philippines – Inireklamo ng isang tenant sa security ng Sea Residences ang Chinese national na di-umanoý pumasok sa kanyang unit ng walang pahintulot at pinagsabihan ito ng masasakit na salita Biyernes ng umaga sa Pasay City.

Sa report na natanggap ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames, Jr. dinala ng security guard ng Sea Residences na kinilalang si Jayson ang suspect sa Substation 10 ng Pasay City police bandang alas 9:30 ng umaga bunsod ng reklamo ng biktima na isang Mrs. Jen laban sa suspect.

Ayon sa salaysay ng biktima, bandang alas 5:00 ng umaga ay walang sabi-sabing pumasok sa kanyang unit ang suspect at pagkakita sa kanya ay agad siyang pinagmumura ng walang kadahilanan.

Sa pangyayaring iyon ay mabilis na humingi ng responde ang biktima sa security ng gusali na agad namang dumating ang security guard na si Jayson na siyang umaresto sa suspect.

Pagdating sa Substation 10, bilang standard operating procedure ay agad na nagsagawa ng seach procedure sa suspect at nakuha sa kanyang posesyon ang isang kaha ng Chinese na sigarilyo kung saan nakabalot sa nakatuping tissue ang isang transparent plastic sachet na naglalaman ng .14 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,500, dalawang plastic pipes, 2 lighter, 1 straw at isang plastic connector.

Nahaharap sa patung-patong na kasong trespass to dwelling, unjust vexation at paglabag sa Sec. 11 at 12 ng Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang suspect sa Pasay City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan