Home NATIONWIDE NAIA crash victims aasistihan ni Ramon Ang

NAIA crash victims aasistihan ni Ramon Ang

MANILA, Philippines- Nangako ang bagong pangulo ng NAIA Infra Corp. (NNIC) na si business tycoon Ramon Ang na personal nitong sasagutin ang mga gastusing medikal ng mga nasugatan makaraang araruhin ng isang SUV sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, at magbibigay ng tulong pinansyal sa mga pamilya ng mga nasawi.

Nabatid na si Ang ay magbibigay ng medical assistance sa apat na indibidwal na nasugatan, at tulong pinansyal sa mga pamilya ng dalawang namatay sa nasabing aksidente.

“Our priority now is to make sure the victims and their families receive the support and care they need,” pahayag ni Ang.

Matatandaang bumangga ang isang itim na sports utility vehicle (SUV) sa departure area ng NAIA Terminal 1 bandang alas-8:55 ng umaga noong Linggo, na ikinasawi ng dalawang biktima na isang lalaking nasa hustong gulang at isang apat na taong gulang na babae, at ilan iba pa ang nasugatan.

Ayon sa NNIC, ang mga inisyal na ulat ay nagpapahiwatig na ang sasakyan ay nakaparada malapit sa pasukan ng terminal nang bigla itong umarangkada at bumangga sa rehas at sa walkway. Ang driver ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya.

“The company extends its deepest sympathies to the families of the deceased and wishes those injured a full and speedy recovery,” ayon sa operator ng nasabing paliparan. JAY Reyes