MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng 1,040,707 pasahero mula Palm Sunday hanggang Easter Sunday, mas mataas ng 12% kumpara sa 926,755 pasahero na naitala sa naturang paliparan sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Sa datos ng Manila International Airport Authority (MIAA) na ipinakita nitong Lunes, Abril 1, nasa 511,073 pasahero ang dumating sa NAIA habang 529,634 pasahero naman ang umalis.
Ang domestic passenger volume ay umabot sa 521,154, habang 519,553 naman sa international passengers.
Kumpara sa Semana Santa noong nakaraang taon, mas mataas ng 10% at 14% ang passenger volume ng domestic at international travelers.
Naitala sa NAIA ang pinakamataas na bilang ng mga pasahero nitong Easter Sunday sa 139,894 at ang pinakamababa ay nitong Biyernes Santo sa 124,230. RNT/JGC