
MAKALIPAS ang 24 na taon, ang abandonadong Philippine Village Hotel na nasa tabi ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay gigibain na upang magbigay-raan sa itatayong NAIA Terminal 5 para sa lumalaking bilang ng pasahero ng Paliparan.
Sinabi ng New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) na nakuha na nila ang mga kinakailangang permiso at pagkatapos nga ng Semana Santa ay sisimulan na ang paggiba sa lumang hotel na tumigil sa operasyon simula noong 2001.
Inaasahan na sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon ay matatapos ang karagdagang paliparan na inaasahang makakatulong para maibsan ang siksikan sa tatlong gumaganang paliparan dahil kaya lamang nitong tumanggap ng humigit-kumulang 32 hanggang 34 million na mga pasahero bawat taon.
Noong 2024 ay umabot sa mahigit 51 milyon ang mga pasaherong dumating at umalis sa NAIA at ngayong 2025 ay inaasahang papalo ito sa mahigit 54 milyon kaya inaasahan ang pagsisikip sa tatlong terminal.
Sa pag-aaral ng consortium ay hindi na nito bubuksan at itutuloy ang renobasyon ng NAIA terminal 4 dahil nakikita nilang panganib, malaki umano ang tsansa na maaaring maganap ang isang trahedya na katulad ng nangyaring crash ng Jeju Air noong nakaraang taon sa South Korea na kumitil ng 179 buhay.
Muling itatayo ang terminal 4 sa dating international cargo terminal at doon nakatakdang ilagay ang mga domestic flight ng AirAsia at Cebu Pacific. Tinatayang matatapos ito sa loob ng anim na buwan o bago matapos ang kasalukuyang taon.
Noong Setyembre 2024 nang pamahalaan ng NNIC ang operasyon ng paliparan, at mula noon ay unti-unti na itong naglulunsad ng mga pagbabago upang mapabuti ang karanasan ng mga pasahero sa NAIA.
Kamakailan lamang ay isang grupo ng mga abogado ang naghain ng petisyon sa Supreme Court upang ipawalang bisa ang kasunduang pinasok ng Department of Transportation sa consortium na pinangungunahan ng San Miguel Corporation dahil sa diumano ay paglabag sa mga probisyon ng Saligang Batas.