NAGING mabilis at organisado ang pamamahagi ng 5,000 Cash Relief Assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mahigit 700 na miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association sa lungsod ng Malabon bilang tulong sa kabila ng patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo. JOJO RABULAN
MANILA – Tinatayang 80 porsyento lamang ng mga nakalistang benepisyaryo ang nakakuha ng cash assistance sa ilalim ng fuel subsidy program ng pamahalaan para sa mga public utility driver, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Miyerkules.
Ibinunyag ito ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa pagdinig ng Senate Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee na tumatalakay sa mga hakbang ng gobyerno sa gitna ng pagtaas ng presyo ng krudo na dulot ng krisis sa Middle East.
“The average claim rate namin sa mga payout centers namin is only 80 percent (Our average claim rate in payout centers is only 80 percent). Meaning, a good 20 percent, they don’t show up,” pahayag ni Gatchalian.
Ayon sa kanya, may bahagi ng dahilan ng hindi pag-claim ay ang mga isyu sa eligibility at verification, kabilang ang mga kaso ng expired o walang bisa na driver’s license ng ilang benepisyaryo.
Binanggit din niya ang mga problema sa listahan ng benepisyaryo tulad ng duplicate entries at encoding errors na nagresulta sa mas mahigpit na beripikasyon bago maipamahagi ang ayuda.
“Kung simple lang po, pinasok namin kaagad sa e-wallets (If we had immediately deposited the funds through e-wallets)… we would have lost 2.7 billion of much-needed resources,” aniya.
Dagdag pa niya, dahil sa kakulangan ng “clean list,” kinailangan ng ahensya na gumamit ng manual validation at on-site payouts upang matiyak na ang mga kwalipikadong driver lamang ang makatatanggap ng ayuda.
Batay sa datos ng DSWD hanggang Abril 28, umabot na sa 1,141,107 public utility drivers sa buong bansa ang nabigyan ng tulong, at nasa PHP5.7 bilyon na ang naipamahagi mula sa PHP30 bilyong pondo sa ilalim ng 2026 national budget. Santi Celario