Home METRO Nakawan sa mga kable ng Navotas Navigational Gate, masusing pinaiimbestigahan ng NPD

Nakawan sa mga kable ng Navotas Navigational Gate, masusing pinaiimbestigahan ng NPD

1
0

NAVOTAS, Philippines – Ipinag-utos ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang imbestigasyon sa naganap na pagnanakaw ng hindi pa kilalang mga armadong kawatan sa mga kable ng Navotas Navigational Gate sa Navotas City.

Mismong si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III ang nag-post sa kanyang opisyal na Facebook account ng naganap na pagnenok ng mga hindi pa kilalang armadong suspek sa halos 10-metrong grounding cable ng NavGate pumping station.

Nahagip pa sa kuha ng CCTV ang paglalakad ng mga armadong suspek na hindi na nasita ng nakatalagang guwardiya sa pangambang malagay sa panganib ang kanyang buhay.

Ang NavGate na may pumping station sa Navotas-Malabon River malapit sa Barangays Tangos at Tanza na karaniwang tinatawag na North Navotas Pumping Station ang kumokontrol sa umaapaw na tubig mula sa Manila Bay at nagpo-protekta sa mababang lugar sa magkatabing lungsod ng Malabon at Navotas.

Kinondena ni GM Torre ang ginawang pagnanakaw ng mga kawatan na aniya ay maliit na halaga lamang kumpara sa paglalagay sa panganib ng maraming residente sa Lungsod ng Navotas at Malabon.

Hinigpitan na rin ng mga awtoridad ang pagbabantay sa mga pumping stations habang patuloy na tinutugis ng kapulisan ang mga nakatakas na kawatan. (Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here