Home METRO Nanaksak na senior, tiklo sa Parañaque

Nanaksak na senior, tiklo sa Parañaque

1
0

MANILA, Philippines – Arestado ang isang 65-anyos na lalaki dahil sa kasong frustrated murder ng mga tauhan ng Sto. Niño police Sub-Station ng Parañaque City police at mga tanod ng Barangay La Huerta matapos umanong manaksak sa Kapitan Tinoy Street, Linggo ng gabi, Agosto 9.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si alyas Onofre, 65, residente ng Barangay San Dionisio, Parañaque City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-7:00 ng gabi ay hinarap ng suspek ang isang 45-anyos na lalaki matapos umano nitong kunin ang kanyang kariton nang walang pahintulot.

Sa gitna ng kanilang mainitang pagtatalo ay nagalit ang suspek kung saan binasag ang isang bote ng alak at ginamit itong panaksak sa biktima.

Ilang ulit umano niyang sinaksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan bago itinapon ang basag na bote sa isang kalapit na estero.

Agad na rumesponde ang mga tanod ng Barangay La Huerta matapos makatanggap ng ulat tungkol sa insidente at naaresto ng mga ito ang suspek at nakipag-ugnayan sa mga rumespondeng pulis mula sa Sto. Niño police Sub-Station.

Isinugod ang biktima sa Ospital ng Parañaque at kalaunan ay inilipat sa Las Piñas General Hospital kung saan patuloy siyang ginagamot at inoobserbahan ng mga doktor.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Parañaque City police ang suspek habang tinatapos ang mga dokumento at iba pang kinakailangang proseso para sa pagsasampa ng kaso sa Parañaque City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings kaugnay ng kasong frustrated murder.

Pinuri naman ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Glenn Oliver C. Cinco ang mabilis na pagresponde at maayos na pagtutulungan ng mga tanod ng barangay at mga operatiba ng lokal na pulisya.

Muling tiniyak ni Cinco na patuloy na paiigtingin ng SPD ang mabilis na pagkilos ng pulisya upang mapanagot at maiharap sa hustisya ang mga sangkot sa mararahas na krimen. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here