Home METRO Nanay na nagtapon ng fetus sa basurahan, swak sa selda

Nanay na nagtapon ng fetus sa basurahan, swak sa selda

147
0

MANILA, Philippines- Swak sa selda ang umano’y nanay na nagtapon ng kanyang anak na lalaking fetus sa isang basurahan sa Valenzuela City, napaulat kahapon.

Sa natanggap na ulat mula sa tanggapan ni PCol. NIxon M.Cabayan, hepe ng Valenzuela PNP, kinilala ang suspek na isang 31-anyos na factory worker at naninirahan sa Brgy. Punturin ng nasabi ring lungsod.

Alas-10 kagabi nang matagpuan ng isang mangangalakal na residente ng Brgy. Punturin ang fetus na nasa isang kulay berdeng plastic bag habang nagkakalkal ito ng basura sa harap ng isang convenience store.

Ipinagbigay-alam naman agad sa mga tanod at sa pulisya ang naturang pangyayari kasunod ng paghahanap sa nagtapon ng patay na fetus.

Sa isinagawang backtracking ng mga awtoridad sa mga CCTV sa lugar kung saan itinapon ang fetus, natunton at nakilala ang suspek.

Nakita sa isa sa mga footages na naglalakad ang babae dala ang berdeng plastic bag kung saan nakalagay ang fetus.

Positibong kinilala ng mga barangay tanod ang suspek na siyang naghagis ng naturang plastic sa basurahan.

Papalabas ang suspek mula sa isang hearing sa Valenzuela City Metropolitan Trial Coury (MTC) Branch 108 nang arestuhin ng alas-10:35 ng umaga matapos masundan ng mga operatiba.

Napag-alaman din ng pulisya na ang suspek ay nahuli sa Valenzuela City noong Mayo 10, 2024 dahil sa kasong estafa. Ayon sa pulisya, buntis ito ng mga panahong iyon.

Sasailalim sa Gynecology examination ang suspek habang isasagawa ng NPD Forensic Unit ang DNA at autopsy examination sa nakuhang lalaking fetus.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Art 258 ng Revised Penal Code (Abortion practiced by woman herself) ang suspek. Merly Duero

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here