MANILA, Philippines- Nakatakdang makipagpulong si Interior Secretary Benhur Abalos sa mga local chief executives ng mga lungsod at munisipalidad sa Luzon para paigtingin ang pagsisikap na habulin ang mga illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Makakapulong ni Abalos ang mga alkalde ng Pampanga, Tarlac, Ilocos Region at Cagayan Valley sa Pampanga, ngayong Sabado at mga alkalde naman ng Kalakhang Maynila at Southern Luzon sa tanghali.
Ang hakbang na ito ni Abalos ay bunsod ng tumataas na panawagan na i-ban o ipagbawal ang POGOs sa bansa dahil sa tumataas na krimen na napaulat na iniuugnay sa illegal operators.
Sa katunayan, nakapagtala ang Presidential Anti-Organized Crime Commission ng mahigit sa 400 illegal POGOs sa bansa, kung saan sinabi ng mga mambabatas ay dapat na ngang ipasara ang POGO.
“Ang POGO, ‘yan ay lisensyado ng PAGCOR. Mayroon d’yan hindi na lisensyado. So technically hindi na sila POGO. Ang tawag ng mga pulis, scam farm…. Bukas mi-meeting-in natin ang mga alkalade ng Pampanga, ng Tarlac at ibang representante, maski mga leagues ng region 1 and 2 para pag-usapan,” ayon kay Abalos.
“Ima-mapping out natin ‘yung legal na negosyo at illegal na negosyo… Baka pwede mayroon silang BLPOs, license permits, sanitation, engineer office, bureau of fire… Isa-isahin na natin. Umpisahan natin sa mga kaduda-duda. Anong malay mo, baka mahagip mo pa roon ‘yung drug laboratories, iba pang illegal activities,” dagdag niya.
Ayon pa sa DILG, kailangan na makaisip at makapagpalabas ang local government units ng target at timetable, kung saan imo-monitor naman ng departamento.
“Nag-issue ako ng memorandum circular… sinasabi ko mag-inspection sila. But this time around we need concrete actions, we need concrete timetable. Ano ang nagawa sa bawat lugar? ‘Yun ay imomonitor namin,” wika ni Abalos. Kris Jose