Home OPINION NANGANGAMOTE SA KRISIS SA LANGIS

NANGANGAMOTE SA KRISIS SA LANGIS

173
0

NOONG simula pa lang ng giyera sa GItnang Silangan, inihayag ng Department of Energy na may sapat na imbak na langis ang bansa na aabot sa limampu hanggang animnapung araw. Subalit mas lalong umiigting ang krisis sa langis at lumilitaw ang kakulangan ng malinaw na direksyon mula sa pamunuan ng DOE.

Sa patuloy na away ng United States-Israel at Iran, patuloy din ang pagsirit ng presyo ng petrolyo, kaya naman tila nangangapa ang ahensya sa ilalim ni Energy Secretary Sharon Garin. Eh, teka lang, ekspertis ba ni Garin ang energy sector.

Hindi lingid sa kaalaman ng marami na ang energy sector ay isang komplikado at teknikal na larangan. Kinakailangan dito ang malalim na kaalaman sa galaw ng pandaigdigang merkado, supply chain, at regulasyon.

Pero ang pagkatalaga kay Garin ay batid naman ng marami na may bahid pulitika. Si Garin ay dating partylist representative at ang pagkakatalaga sa kanya sa DOE ay bilang bayad utang na loob. Lumalabas tuloy, ang pagkakaupo sa pwesto ng kalihim ay isyu ng political accommodation kaysa sa pagpili batay sa kakayahan at karanasan.

Sa kasalukuyang sitwasyon, malinaw na ang industriya ng langis ay pinatatakbo ng pribadong sektor sa ilalim ng deregulasyon. Dahil dito, mas lalong kinakailangan ang isang lider na may sapat na background upang makipag-ugnayan, makipagtawaran, at maglatag ng konkretong polisiya.

Ngunit ano na ba ang aksyon ng DOE? Lagi na lang bang ang maririnig ng publiko ay paulit-ulit na pahayag ng “monitoring” at “pag-aaral”—mga salitang kulang upang maibsan ang bigat na dinadala ng mamamayan.

Higit pang nakababahala ang tila kakulangan ng malalim na konsultasyon sa mga tunay na eksperto sa industriya. Sa panahong kritikal ang bawat desisyon, ang pakikinig sa mga beteranong energy at business moguls at reporters na matagal nang sumusubaybay sa galaw ng langis ay maaaring nakatulong upang makabuo ng mas matibay na hakbang.

Ang krisis sa langis ay hindi lamang usapin ng presyo, kundi usapin ng pamumuno. At sa bawat araw na lumilipas na walang malinaw na solusyon, lalong lumalalim ang problema. Kaya naman naitatanong ng mamamayan kung sapat ba ang kakayahan ng kasalukuyang liderato upang harapin ang isa sa pinakamabigat na hamon ng bansa?

Dapat, alam ng Palasyo na ang tunay na kabayaran ng maling pagpili ng lider ay hindi lamang pagkukulang sa polisiya. Sabagay, nasanay na ang mga Pilipino sa mabibigat na pasanin na dapat sana ay gobyerno ang bumabalikat.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here