NAGKAROON ng pagdinig kamakailan ng Senado hinggil sa problema natin sa suplay ng langis dahil sa giyera sa Gitnang Silangan dala ng agresyon ng ‘Tadong Unidos at Israel laban sa Iran na nagresulta sa “pagsasara” ng ‘Strait of Hormuz.;
At isang masakit– at nakahihiya– na katotohanan ang sinabi ni Department of Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro na “kailangan” natin ang permiso ng mga Amerikano bago tayo makabili ng langis sa ibang bansa, katulad ng Russia, China at siyempre, Iran.
Ayon sa DFA, “kailangan” ito para hindi tayo makasama sa ‘sanctions’ ng Amerika.
“Napakasakit” nito, hindi ba, Kuya Eddie? At kahiya-hiya dahil bukod sa kanilang mga base-militar dito– na ipokritong ipinipilit ng Armed Forces of the Philippines sa pamamagitan ni General Romeo ‘Brownie’ Brawner– na sa “atin”– ang tinuran ni Secretary Lazaro ay direktang pag-amin na wala tayong soberanya bilang isang lahi at bansa. Translation? Tayo ay hayagang TUTA ng mga Kano.
“Pumalag” siyempre sina Sen. Imee Marcos at Sen. Sherwin Gatchalian pero halata naman na kahit sila ay hindi kayang ipaglaban ang ating soberanya sa harap ng barumbadong gobyerno ng Amerika sa katauhan ni President Donald Trump.
Ngayon na lantaran na ang mga “eidensiya” na hindi tayo isang malayang bansa, aba’y huwag nang maging ipokrito ang ating mga opisyal!
“Ipagmalaki” ninyo mga bosing, na kayo ay mga “utusan” lang ng mga Kano para matiyak na tahimik ang mga Pilipino at huwag mag-ambisyon na maging totoo ang kanilang kalayaan, sa isip, sa salita at sa gawa.
At dahil tayo ay mga “alila” lang pala ng mga Kano, marahil, mas mainam na ibaba na rin natin ang ating watawat sa Luneta at itaas ang ‘Stars and Stripes.’
At itong ‘AFP,’ ihayag na natin kung ano talaga ito– hindi bilang ‘Armed Forces of the Philippines’ bagkus, ‘American Forces in the Philippines,’ oh, ‘di ba, bongga, hehehe!
Palagi nating sinasabi na ang totoong dahilan kaya hindi tayo umaasenso ay dahil wala tayong tunay na kalayaan. HIndi nating kayang magpasya para sa ating sarili. Dahil tuta tayo ng mga Kano.
Wala na yata talagang totoong makabayan sa hanay ng ating mga lider at mga sundalo?
Kawawang Pilipinas!






