GUSTO ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na magsumite ng kani-kanilang Statement of Assets, Liabilities and Networth ang lahat ng kongresman sa nakalipas na 10 taon.
Nauna nang nagsumite ang 24 sa mga ito na tinaguriang “cong-tractor” o may negosyong construction company na pinaniniwalaang sangkot sa mga anomalya sa mga pagawaing bayan.
Nauna rito, may 62 cong-tractor ang sinabi ni Senador Panfilo Lacson kaugnay ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga flood control project at iba pang pagawaing-bayan.
Magandang sukatan ito ng kung nagpayaman ang mga kongresman sa pwesto nang iligal o paninilbihan lamang ang kanilang mga pinaggagawa bilang trabahante ng pamahalaan.
Pero maraming wais sa mga kongresman at may kakayahan silang ideklara ang kanilang mga nakaw na yaman na ligal at hindi makaya ng Ombudsman na kilatisin ang mga bunga ng pagnanakaw sa kaban ng bayan o pandurugas sa mga mamamayan.
Isa pa, maraming wais din sa pagtatago sa baul ng kanilang mga nakaw na yaman at hindi basta makikita o makakapa ang mga ito.
Pero ang nakatatakot naman ay kung gagamitin sa pamumulitika ang pagpapalabas ng mga SALN at dito manggagaling ang pipiliing siraan nang siraan hanggang darating ang halalang 2028.
Oks lang kung hahantong ang lahat sa mga imbestigasyon nang walang pinipili at sa pagsasampa ng kaso kung may malilinaw na batayan ng pagkakaroon ng nakaw na yaman.
Ang nakatatakot din, kung seseryosohin ng Ombudsman ang trabaho nito nang patas, baka halos walang matira sa pwesto sa mga kongresman.
Isa pa, dapat ilabas sa publiko ang lahat ng SALN, maging ang SALN ng Ombudsman, mga taga-Palasyo at miyembro ng gabinete, senador at iba pang mga opisyal sa nakalipas na 10 taon.






