Home OPINION OIL PRICE HIKE ULIT SA PAGLALA NG GIYERA

OIL PRICE HIKE ULIT SA PAGLALA NG GIYERA

139
0

MAKARAAN tayong makaranas ng dalawang beses na malakihang pagbabawas ng presyo ng mga produktong petrolyo, posibleng tataas muli ang presyo ng krudo at mga produkton petrolyo.

Ito’y dahil sa pinakahuling mga pangyayari na kaguluhan sa pagitan ng Iran at United States.

Muling sinarhan ng Iran ang Strait of Hormuz dahil pinanatili ng US ang blockade o panghaharang nito sa mga barkong pumapasok at lumalabas sa Persian Gulf na dumaraan lahat sa Hormuz.

Pinakahuling matinding pangyayari ang pagdakip ng US Navy sa isang Iran oil tanker at pagbihag sa mga crew nito sa Gulf of Oman na malapit lang sa Hormuz at ngayo’y lumalaban ulit ang Iran, target ang mga barkong pandigma ng US.

Dahil sa pagsasara ng Strait of Hormuz at panghaharang ng US sa mga barko papasok sa Hormuz, umakyat agad ang presyo ng krudo sa nasa $100 kada bariles at tiyak umanong tataas pa rito ang halaga kung lalala ang tensyon ng US at Iran.

Tatandaang bumagsak sa $90 kada bariles ang krudo na pinagbabasehan ng dalawang linggong pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo sa Pinas dahil sa tigil-putukan ng US at Iran at ang tigil-putukan sa Lebanon.

32% SUPLAY DELIKADO

Lalong lalala ang giyerang US at Iran kung ganap nang sasama ang Houthi sa Yemen dito at tiyak na lalong lalala ang mataas nang presyong krudo at produktong petrolyo.

Dumaraan ang 20% suplay ng krudo sa Strait of Hormuz na nais kontrolin nang buo ng Iran.

Nais namang kontrolin ng Houthi ang Dab al-Mandeb Strait na daluyan ng 12% krudo.

Kapag pinagsama ang dalawang ito at sasarhan, lalong lalala ang kakulangan sa suplay ng krudo at posible umanong lulundag ang presyo sa $150 kada bariles at maaaring umabot pa sa $200 kada bariles, lalo na kung magiging maapoy ang digmaan.

Kasama sa magpapaapoy sa giyera ang posibleng ground invasion o paglusob ng US sa kalupaan ng Iran at pagpapalubog sa mga oil tanker at barkong pandigma ng mga Amerikano naman ng Iran.

MAGHANDA LAGI

Bukas ang pagtatapos ng dalawang linggong tigil-putukan ng US at Iran.

Kung muling maghaharap ang dalawa at hindi aatake nang aatake ang Israel sa Lebanon, maaaring manatili sa presyuhan ang krudo at gayundin ang pagbaba ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Ngunit kung babangis ang giyera, hindi sapat na magdasal tayo.

Sa parte ng mga mamamayan, wala silang magagawa sa ngayon kundi magtiis hindi lang sa mahal na petrolyo at bunga ng krisis dito na matataas na presyo ng lahat ng bilihin.

Ngunit sa parte ng pamahalaan, dapat magpatuloy ito sa paghahanap ng suplay ng krudo at produktong petrolyo.

Dapat mag-isip at magpatupad pa ng mga programang pangmatagalan at mararamdamang ng mga mamamayan na nakagagaan sa kanila sa gitna ng krisis.

Ang tiyak, hindi sapat ang pamimigay ng ayuda lalo pa’t lahat ay nahihirapan sa krisis sa langis at hindi lahat ay nabibigyan ng ayuda gaya ng milyon-milyong obrero, middle class at maliliit na negosyante.

Kabilang sa mga magbubunga ng gaan para sa lahat ang pagsuspinde sa value added tax sa langis, diesel at gasolina na hanggang ngayon ay hindi pa ginagawa ng gobyerno.

Pwede ring suspendihin ang pangongolekta sa mga mandatoryong bayarin sa SSS, GSIS, PhilHealth, Pag-IBIG at iba pa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here