MANILA, Philippines — Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na inaasahang aabot sa 43°C ang “danger level” heat index sa Sangley Point ngayong Martes, Abril 21.
Sa inilabas nitong 5 p.m. bulletin noong Abril 20, sinabi ng PAGASA na posibleng maitala ng synoptic stations sa Sangley Point ang naturang heat index, na sumusukat sa init na nararamdaman ng katawan batay sa temperatura at halumigmig.
Ayon sa klasipikasyon ng PAGASA, ang heat index na 42°C hanggang 51°C ay nasa “danger” category at maaaring magdulot ng heat stroke.
Ang matagal na pagkabilad sa matinding init ay maaaring magpataas ng temperatura ng katawan at magdulot ng strain sa mahahalagang organ gaya ng puso at bato.
Ayon naman sa World Health Organization, maaaring lumala sa matinding init ang umiiral na karamdaman gaya ng cardiovascular diseases, respiratory illnesses, at diabetes. RNT