Home NATIONWIDE Napatay na pulis, mga sugatan sa Tawi-Tawi clash kinilala ng DILG, PNP

Napatay na pulis, mga sugatan sa Tawi-Tawi clash kinilala ng DILG, PNP

MANILA, Philippines – Nagbigay-pugay ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) sa isang pulis na nasawi at dalawa iba pang sugatan sa isang counter-terrorism operation sa Tawi-Tawi ngayong linggo.

Personal na iginawad nina DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. at PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil nitong Huwebes, Mayo 30 ang Medalya ng Katapangan (PNP Bravery Medal) at Medalya ng Sugatang Magiting (PNP Wounded Personnel Medal) kay Master Sergeants Mohammad Lee Aharul at Alberto Olbis sa Ciudad Medical de Zamboanga.

Nagbigay din ito ng financial support sa mga sugatang pulis at sa pamilya ng mga ito na nagsisilbing pagkilala sa kanilang sakripisyo at dedikasyon.

Kasunod ng pagbisita, dumalaw naman sa lamay ni Pat. Ian Valdez si Abalos at Marbil sa St. Peter Memorial Chapel, Barangay Divisoria, Zamboanga City.

Ginawaran si Valdez ng Medalya ng Katapangan para sa kanyang sakripisyo at dedikasyon sa trabaho.

Nagpahayag din ng pakikiramay ang mga opisyal sa naiwang pamilya at nagbigay ng financial assistance sa mga ito.

“Their courage and dedication in the face of extreme danger serve as an inspiration to all members of the PNP,” pahayag ni Abalos.

Sa naturang operasyon, napatay ng mga awtoridad si Abu Sayyaf Group (ASG) sub-leader Udon Hasim sa bakbakan sa Barangay Lahay-lahay, Tandulas, Tawi-Tawi.

Si Hasim ay wanted sa four counts of frustrated murder at 17 counts ng murder. Sangkot din ito sa illegal drug trade. RNT/JGC