MANILA, Philippines- Inatasan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor ‘Jonvic’ Remulla ang National Police Commission (Napolcom) na lutasin ang mga kaso laban sa mga police officers sa loob ng 60 araw.
Ipinalabas ni Remulla ang direktiba kasunod ng kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lagyan ng diin ang mabilis na resolusyon sa mga nakabinbing kaso laban sa mga police officers.
Sa kabilang dako, nangako naman ang Napolcom na lilinisin nito ang hanay ng police organization, sabay sabing ang komisyon ay “committed to resolve administrative cases against erring police officers within 60 days.’’
Kinumpirma naman ni Napolcom Vice Chairperson and Executive Officer Rafael Vicente R. Calinisan ang implementasyon ng 60-day resolution period mula sa paghahain ng reklamo hanggang sa pagpapalabas ng desisyon.
Binigyang-diin ang kagyat na “ibalik ang tiwala ng publiko,” sinabi ni Calinisan na dapat ay walang puwang para sa “snail-pace resolution” ng mga kaso laban sa mga pulis sa komisyon.
Ani Calinisan, sinimulan na ng komisyon ang pagpapatupad ng bagong timeline, tinukoy ang kamakailan lamang na pagpapatalsik kay Pat. Francis Steve Fontillas sa serbisyo, at maging ang resolusyon ng dalawang long-pending cases na inihain 21 at 18 taon na ang nakalilipas.
Ipinabatid din ni Calinisan na ang komisyon ay nagsasagwa ng inventory ng libo-libong nakabinbing kaso at target ang zero backlog sa Dec. 2025.
Hinugot mula sa kanyang karanasan bilang dating chair at executive officer ng Quezon City People’s Law Enforcement Board (PLEB), pinagtibay ni Calinisan na “the goal is both realistic and necessary.’’
Iginiit nito na habang ang kapakanan ng police force ay nananatiling prayoridad, walang pangungunsinti para sa ‘misconduct.’
Nagbabala naman ito sa police officers na handang ipatupad ng ng “disciplinary authorities’’ ang tamang parusa para sa kanilang mga maling gawain, idagdag pa na bilang na ang ‘corrupt at abusive days’ ng mga haragan na pulis.
Samantala, hinikayat naman ni Calinisan ang publiko na aktibong i-report ang pang-aabuso, sinabi na ang transformation ng police force ay nangangailangan ng accountability mula sa lahat ng sektor ng lipunan. Kris Jose