Home METRO 2 Chinese nat’l na tinangkang lumabas ng bansa sa pamamagitan ng ‘backdoor’...

2 Chinese nat’l na tinangkang lumabas ng bansa sa pamamagitan ng ‘backdoor’ nasakote ng BI

249
0

MANILA, Philippines- Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa dalawang Chinese national na kapwa nasa blacklist ng nasabing ahensya makaraang tangkain nitong umalis ng bansa sa pamamagitan ng illegal migration corridor, o mas kilala bilang backdoor, sakay ng isang bangka sa Tawi-Tawi.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, inaresto ng BI intelligence operatives noong Biyernes ang dalawang Chinese national na kinilalang sina Li Yu, 27 at Liu Fei, 35 matapos silang pigilan ng Maritime Police Station ng Tawi-Tawi.

Naiulat na regular na nagsagawa ng foot patrol operation ang Maritime Police sa kahabaan ng karagatan ng Poblacion sa Bongao, Tawi-Tawi, kasama ang 1st Special Operations Unit – Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation Detection Group (CIDG) Provincial Field Unit, Marines Battalion Landing Team 4, 2nd MCIC at Municipal Inter-Agency Committee Against Trafficking (MIACAT) Bongao Committee.

Sa kanilang monitoring, natagpuan nila ang dalawang Chinese na nakasakay sa isang barko na dumating mula sa Zamboanga City. Nagpakilala sila gamit ang mga larawan ng kanilang passport at sinabing nakatira sila sa Parañaque.

Nakipag-ugnayan ang monitoring team sa mga operatiba ng BI para i-verify ang pagkakakilanlan, at kinumpirma na ang pangalan ng dalawa ay lumalabas sa blacklist ng BI matapos silang ma-tag noong 2023 bilang undocumented at undesirable aliens para sa pagtatrabaho sa isang establisyimento na sangkot sa prostitusyon at labor exploitations.

Parehong kinilala rin ng gobyerno ng China ang mga nasabing dayuhan bilang mga pugante habang nahaharap sila sa mga kaso sa China para sa pandaraya sa pananalapi.

Ibinunyag ng mga imbestigasyon na kapwa naglakbay sina Li at Liu sa Zamboanga pagkatapos ay sa Tawi-Tawi, kung saan tinangka nilang sumakay ng bangka patungong Sabah.

Ililipat sila sa pasilidad ng BI sa Taguig kung saan sila mananatili hanggang sa kanilang deportasyon. JR Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here