MANILA, Philippines- Pinasalamatan ni Senador Grace Poe ang Land Transportation Office (LTO) sa madaliang pagkilos laban sa driver ng isang kotse na naglagay ng isang aso sa likod ng trunk na naging viral sa social media,
Mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang pagmamalupit sa anumang hayop tulad ng aso at pusa na inaalagaan sa loob ng bahay.
Sa viral video ng isang netizen na kumalat sa social media, makikita ang isang aso na nasa loob ng trunk ng kotse na hingal na hingal at humaba ang dila na maaaring uhaw na uhaw sanhi ng init ng araw.
“We commend the Land Transportation Office for taking an active stance in working with animal welfare groups to investigate this recent animal cruelty case,” anang senador.
Sinabi ni Poe, pangunahing awtor ng ilang batas na nangangalaga sa kalagayan ng alagang hayop, nakakadismaya ang sunod-sunod na pang-aabuso at kalupitan sa hayop na kailangan nang masugpo ng gobyerno.
“The spate of abuse and cruelty against animals is lamentable, and a whole of government approach is needed to put an end to this,” giit ni Poe.
“We hope concerned agencies and local government units, especially our frontliners in the barangays, will remain vigilant in addressing violations of the Animal Welfare Act,” aniya pa.
Tiniyak naman ni Poe na hindi siya titigil sa pagsusulong ng mga panukalang batas na magbibigay ng mas mabigat na parusa laban sa pang-aabuso at pagmamalupit sa alagang hayop.
“We assure our people that we will be unrelenting in pushing for the passage of a stronger law to deter animal neglect and abuse,” ani Poe.
Kamakailan, pinadalhan ng show cause order ng LTO ang hindi binanggit na driver na nagmamaneho ng kotse na kinalulunanan ng aso sa likod ng trunk.
Pinabulaanan ng kapatid ng driver na pinagmalupitan ang aso na kanilang ni-rescue dahil hindi maalagaan at kasalukuyang maaayos ang lagay nito pagkatapos ng mahabang biyahe sa Antipolo. Ernie Reyes