MANILA, Philippines- Nanindigan ang National Police Commission (Napolcom) nitong Sabado na nananatiling “apolitical” ang Philippine National Police (PNP) matapos nitong tanggalin sa pwesto ang dalawang pulis na nakita sa viral video ni Davao Representative Pulong Duterte.
“We’re not singling out anyone. Bilin nga natin sa lahat ng tao, PNP [at] National Police Commission should remain apolitical. Hindi tayo dapat lumalaro sa politika dahil di naman kami politiko. Police should stay [in] law enforcement, and Napolcom will stay in law enforcement and supervise the PNP,” giit ni Napolcom Vice Chairperson at Executive Officer Atty. Rafael Vicente Calinisan.
Inihayag ito ni Calinisan matapos sabihin ng PNP na sisibakin nito ang dalawang pulis na nag-sideline umano bilang security guards para kay Duterte.
“Hindi naman lahat ng insidente ng police abuse ay kailangan panghimasukan ng National Police Commission… Tiwala ako sa ating mga sistema. Kung nagsalita na ang isang disciplinary authority, nagsabi siya na aaksyon siya, hindi na para panghimasukan ng Napolcom yan,” ani Calinisan.
“Sana lang bilisan ng PNP, at inaabangan namin ang kanilang decision sa National Police Commission,” dagdag niya. RNT/SA