ISLAMABAD/NEW DELHI – Sinabi ng Pakistan na naglunsad ito ng military operation laban sa India nitong Sabado, kung saan target ang ilang mga base kabilang ang missile storage site sa northern India sa pinakamalalang alitan ng magkaratig-bansa sa loob ng halos tatlong dekada.
Kasunod ang opensiba ng Pakistan matapos sabihing naglunsad ang India ng missiles sa tatlong air bases nito noong Sabado kabilang ang isang malapit sa kabisera, ang Islamabad, subalit naharang ng Pakistani air defenses ang karamihan sa mga ito.
Mula Miyerkules ay araw-araw na nagbabanggaan ang dalawang bansa mula nang maglunsad ang India ng strikes sa loob ng Pakistan sa tinawag nitong militant bases. Nangako naman ang Pakistan na gaganti ito.
“BrahMos storage site has been taken out in general area Beas,” ayon sa militar ng Pakistan, idinagdag na natamaan din ang Pathankot Airfield sa India’s western Punjab state at Udhampur Air Force Station sa Indian Kashmir.
Hindi naman agad tumugon ang defense at foreign ministries ng India ukol dito.
“India through its planes, launched air to surface missiles … Nur Khan base, Mureed base and Shorkot base were made targets,” ani Pakistan military spokesman Lieutenant General Ahmed Sharif Chaudhry.
Iginiit ng India na ang pag-atake nito noong Miyerkules, na nag-umpisa ng engkwentro ng dalawang bansa, ay bilang tugon sa pag-atake sa Hindu tourists sa Indian Kashmir noong nakaraang buwan.
Itinanggi naman ng Pakistan na sangkot ito sa nasabing tourist attack.
Nasa 48 naman ang naitalang patay mula Miyerkules, base sa casualty estimates sa parehong panig ng border na hindi pa nabeberipika. RNT/SA