Home METRO Nars utas sa aksidente sa Candon City

Nars utas sa aksidente sa Candon City

ILOCOS SUR-Patay ang isang nurse matapos bumangga sa concrete at steel barrier ang minamaneho nitong motorsiklo sa Brgy. Parioc 1st, Candon City ng lalawigang ito kaninang 2:35 ng madaling-araw, Hunyo 16.

Kinilala ng Candon City Police Station ang biktima na si Jay Lord Briones y Mecos, 38, may asawa, nurse, residente ng Brgy. Bagani Campo ng naturang lungsod.

Mismong ang pinsan nitong si Jeralyn Castillo y Garnace, ang nagreport sa Candon CPS na naaksidente ang kanyang pinsan sa diversion road sa naturang lugar.

Sa isinagawang follow-up investigation ng mga otoridad, ang biktima na minamaneho ang Yamaha Mio i-125 ay bumibiyahe papuntang timog na direksyon sa heroes bypass road.

Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, ang motorsiklo ay bumangga sa concrete at steel barrier sa tabi ng kalsada at pagkatapos ay umislayd ito ng halos mga 20 metro ang layo.

Ang biktima na nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan ay isinugod sa Ilocos Sur Medical Center ng mga rumespondeng CDRMMC personnel ng Candon City.

Gayunman, ang biktima ay idineklarang dead-on-arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso