Home NATIONWIDE Comelec, private companies sanib-pwersa para online voting sa Eleksyon 2025

Comelec, private companies sanib-pwersa para online voting sa Eleksyon 2025

MANILA, Philippines- Umaasa ang Commission on Elections (Comelec) na maraming overseas Filipino workers (OFW) na ang makaboboto sa darating na 2025 Midterm Elections.

Ito ay matapos lumagda ng kontrata sa pagitan ng Comelec at Joint Venture ng SMS Global Technologies Inc. at Sequest Tech Inc. sa Comelec main office sa Plaza del Governador para sa Online Voting and Counting System (OVCS) para sa Overseas Voting.

Sa press conference matapos ang contract signing, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na nakuha ng Joint Venture ang kontrata sa halagang P100 milyon.

Sinabi ni Garcia na ito ang kauna-unahang pagkakataon na magkaroon ng online voting sa bansa kaya naman target ng komisyon ang 300,000 seafarers na makaboto kahit sila ay naglalayag.

Umaasa rin ang Comelec na sa pamamagitan ng OV ay mapatataas nito ang voters turn out sa 2025 national and local elections.

Sinabi naman Mr. Anthony Christian Angeles at Eduardo Robles na parehong mga Chief Executive Officer na pumirma sa kontrata para sa panig ng SMS Global Technologies Inc at Sequent Tech Inc. na pagdating sa mga patakaran ng organisasyon ay kumpiyansa silang mai-deliver ang kanilang pangako.

Pagdating naman sa seguridad ng mga boto, sinabi ng Sequent na ang mga boto ay ‘encrypted’ kaya mahirap itong makompromiso.

Hindi rin hahayaan ng nasabing sistema ang double registration kaya hindi magkakaroon ng dayaan.

Samantala, matapos ang contract signing ay ipinakita rin ng joint Venture kung paano makaboboto ang mga OFW kung saan kailangan munang mag-enroll at mahingan ng ilang detalye at pagkakilanlan bago makapag-log in at makaboto online. Jocelyn Tabangcura-Domenden