Naniniwala si Senate Majority Leader Francis 'Tol' Tolentino na ang Philippine ROTC (Reserved Officers Training Corps) Games ay nagsisilbing honing ground upang paunlarin ang mga kasanayan sa pamumuno, talento, at nasyonalismo sa mga kabataan.
ZAMBOANGA CITY- Kumpiyansa si Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino na lilitaw ang mga susunod na lider ng bansa mula sa isinasagawang Mindanao qualifying leg ng Philippine ROTC (Reserved Officers Training Corps) Games at sa katatapos na Miss ROTC pageant.
Sinabi ni Tolentino na ang ROTC Games, na nasa ikalawang taon na ngayon, ay nagsisilbing honing ground para paunlarin ang leadership skills, talento, at nasyonalismo sa mga kabataan.
“Natitiyak ko na ang mga magiging pinuno ng ating bansa ay lalabas mula sa hanay ng ating mga kadete-atleta ngayon,” sabi ng senador.
“Ang kanilang kakaibang karanasan sa mga palaro at ang kanilang pagsasanay at disiplina sa ilalim ng ROTC program ay makatutulong sa kanila na maging responsableng mamamayan na handang maglingkod sa ating bansa,” dagdag ni Tolentino.
Dumating si Tolentino sa Zamboanga upang pangunahan ang pagtatanghal ng Miss ROTC-Mindanao pageant noong Sabado, at ang pagbubukas ng Mindanao leg ng ROTC Games, na tatakbo mula Hunyo 23-28.
Si Juliane Terece Claudete Faustino, na kumakatawan sa Philippine Navy, ang tinanghal na Miss ROTC-Mindanao 2024, habang sina Rhizza Joy Baguio (Philippine Army), at Erich Mae Elmaga (Philippine Air Force) ay nanalo ng first at second round honors, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, sasabak naman ang mga cadet-athlete mula sa iba’t ibang tertiary schools sa Mindanao para sa mga sumusunod na event sa ROTC Games: aquatics/swimming, arnis, athletics, basketball, boxing, chess, E-sports, kickboxing, sepak takraw, taekwondo, table tennis, volleyball, target shooting, at ang ‘raiders’ competition.
“Nakikita ko sa kanilang mga post at komento sa social media na marami sa ating mga kabataan ang batid sa mga isyung kinakaharap ng ating bansa, tulad ng sigalot sa West Philippine Sea. Alam nila na ito ay isang bagay na maaaring makaapekto sa kanilang kinabukasan,” ipinunto niya.
“Hinihikayat ko ang ating mga kabataan na isaalang-alang at magboluntaryo para sa programa ng ROTC,” sabi ng senador na siyang punong may-akda ng Senate Bill No. 2034, na naglalayong gawing mandatoryo ang ROTC sa loob ng dalawang taon sa mga mag-aaral sa tertiary at vocational, kapwa sa public at private higher learning institutions.
Ang Luzon qualifiers ng Philippine ROTC Games ay gaganapin sa Indang, Cavite mula Hulyo 28 hanggang Agosto 3 habang ang pambansang kampeonato ay nakatakda sa Agosto 18-24, gayundin sa Indang, Cavite. RNT