Home METRO 3 MWP sa QC nalambat

3 MWP sa QC nalambat

MANILA, Philippines- Arestado ang tatlong indibidwal na natukoy na  most wanted persons (MWPs) sa Quezon City sa magkakahiwalay na operasyon nitong Lunes.

Sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) chief Brig. Gen. Redrico Maranan nitong Martes na nadakip si Joezer Gamboa, 24, nakalista bilang number four MWP ng lungsod, sa kanyang tahanan sa Barangay Pasong Tamo ng bandang ala-1 ng hapon.

Si Gamboa ay mayroong warrant of arrest para sa rape na ipinalabas ng QC Regional Trial Court (RTC) Branch 129.

Dakong alas-4:30 ng hapon naman, nadakip ang 42-anyos na si Angkayah Adun sa Barangay Culiat.

Wanted si Adun, number six MWP ng lungsod, sa drug charges ng QC RTC Branch 79.

Samantala, nalambat ang 34-anyos na si Rey Rizalon, number eight MWP ng lungsod, sa Barangay Magsaysay ng alas-5:20 ng hapon.

Nahaharap si Rizalon sa arrest warrant para sa robbery na inisyu ng QC RTC Branch 87.

Inihayag ni Maranan na ipagbibigay-alam sa mga kaukulang korte na pinagmulan ng mga warrant ang pagkakaresto sa mga wanted na indibidwal. RNT/SA