Matapos ang pananalasa ng Bagyong Uwan, personal na binisita ni Acting Chief PNP Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang PNP Command Center (PCC) ngayong Lunes ng umaga upang pangunahan ang pagsubaybay sa mga operasyon ng pulisya at mga hakbang sa pagtugon sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo.
Kasama si Police Colonel Ramon Pranada, hepe ng PCC, sinuri ni Lt. Gen. Nartatez ang mga ulat mula sa iba’t ibang rehiyon at mga yunit ng pulis na kasalukuyang nakatalaga sa mga apektadong komunidad. Ipinamalas ng kanilang pagbisita ang dedikasyon ng pamunuan ng PNP sa patuloy na pagbabantay at pagtitiyak na ang mga operasyon para sa relief, rehabilitasyon, at seguridad ay maayos na isinasagawa at nakatuon sa kapakanan ng publiko.







