Home OPINION NASAAN NA ANG PANGAKO?

NASAAN NA ANG PANGAKO?

246
0

SA unang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong July 2022, ilang araw matapos niyang maupo bilang pinakamataas na lider ng Pilipinas, isa sa kanyang mga pangako ang pagpapalakas ng health care system.

Mismong sa bibig ni Pangulong Marcos nagmula ang pahayag na “Magtatayo tayo ng dagdag na mga health center at ospital.

Sabi pa nga ng ating Presidente, hindi lang dapat nasa National Capital Region ang malalaki at mahuhusay na pagamutan tulad ng Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, Philippine Children’s Medical Center, National Kidney and Transplant Institute subalit dapat ay mayroon din sa mga lalawigan.

Sa madaling salita, marami ang naniwala sa pahayag ng Pangulo pero hindi nga lang direktang sinabi na magpapatayo ng mga pagamutang malalaki at maaayos sa ilalim ng kanyang administrasyon.

“Maliwanag na hindi lang dapat dito sa National Capital Region mayroong specialty hospitals Kundi maging sa ibang parte ng bansa ay dapat magdagdag ng ganitong uri ng mga pagamutan,” bahagi ng pahayag ni Presidente Bongbong.

“Bukod dito, upang mailapit natin ang health care system sa taumbayan nang hindi sila kailangang pumunta sa sentro ng kanilang bayan, lalawigan o region, ay maglalagay tayo ng mga clinic, mga Rural Health Unit na pupuntahan ng mga doktor, nurse, midwife, medtech, isang beses, dalawang beses sa isang linggo — nang sa gayon, magiging mas madali sa may karamdaman na magpapagamot nang hindi na kailangang magbyahe nang malayo,” dagdag pa ni PBBM.

Ayon sa Pangulo, sisikapin ng kanyang administrasyon na maisaayos ang kapakanan ng mga doktor, nurses, at iba pang medical frontliners. Pati nga mga gamot na kinakailangan ng mamamayan ay binanggit ng Presidente na kanyang pabababain ang presyo.

Pero asan na sa ngayon ang mga inihayag ng Pangulo kaugnay sa pagpapatayo ng mga pagamutan at health centers? Mayroon bang murang mga gamot? O abot kayang halagang mga gamot?

Eh sabi nga ng kapitbahay kong senior citizen, madalas siyang magtungo sa barangay health center sa aming lugar para manghingi ng gamot, pero madalas ding walang ‘available’ na gamot na kanyang kailangan.

Ang mga pagamutan ngayon, lalo na sa Metro Manila, ay pawang puno at nababakante lang kapag may namatay o nagpalipat sa pribadong ospital dahil sa pangit na serbisyo umano ng pampublikong pagamutan na kanilang kinaroroonan.

Kaya ang theme song na ngayon ng mamamayan ay “Nasaan na ang pangako mo?” Syempre, pangako yan noong nanunuyo pa lang sa taumbayan. Kaya, alam na? Napako!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here