NAGBIBIGAY ng magandang halimbawa ang Lungsod ng Valenzuela, Metro Manila Development Authority at North Luzon Expressway laban sa baha sa mga araw na ito.
Nililinis nila ang bahagi ng Meycauayan River, partikular sa Caingin Bridge na nasasakupan ng Barangay Caingin, Meycauayan City na hangganan na rin ng boundary ng Valenzuela City.
Alam ba ninyong nasa 450 trak na ng basura, kasama ang mga water lily, ang nakolekta ng Valenzuela sa pamumuno ni Mayor Wes Gatchalian, MMDA General Manager Procopio Lipana at NLEX-MPTC Chief Regulatory Officer Arrey Perez?
Nagpapatuloy ang proyektong bayanihan upang ganap na makolekta ang lahat ng basura sa lugar at mahalukay at mapalalim na rin ang ilog dito na naging mababaw na dahil sa pagbubuo ng mga lupa at pagsasama-sama ng mga basura sa ilalim ng ilog at tulay.
Kung makumpleto umano ang proyekto, gagaan ang baha sa paligid at makikinabang ang Meycauayan City, Valenzuela City at iba pang malalapit na parte ng Metro Manila at NLEX.
Isang tanong: Saan ngayon dinadala ng MMDA, Valenzuela at NLEX ang daan-daang trak ng basura, putik at water lily?
Tinatanong natin ito dahil sa karanasan, nanggagaling din mismo sa mga ligal na tambakan ng basura ang basurang naaanod sa mga ilog tuwing may malalakas na ulan at baha na tumatama sa mga ligal na tambakan.
Sa paniniwala ng dalawang ahensya, nanggagaling partikular ang mga basura mula sa mga pabrika na malapit sa Meycauayan River at mula sa mga residente na nakatira sa paligid ng nasabing ilog.
Isa pang tanong: Ano-ano na ang mga programa ng pamahalaan ukol dito upang mapigilan o mabawasan nang malaki ang tuloy-tuloy na maling pagtatapon ng basura ng mga pabrika at residente?
Nasaan naman kaya ang mga katulad na programa sa ibang mga lugar na labis na napipinsala ng basura at baha?






