Occidental Mindoro — Kumpirmado ng Philippine Coast Guard (PCG) na tatlo pang bangkay ang nakuha mula sa lumubog na barkong MV Hong Hai 16, na naganap noong Abril 15 sa baybayin ng Barangay Malawaan, Rizal. Sa kabuuan, siyam na ang kumpirmadong patay.
Nakuha ang mga katawan noong Abril 19 at 20 mula sa iba’t ibang bahagi ng barko. Patuloy pa rin ang paghahanap sa dalawang nawawalang tripulante sa kabila ng delikadong kondisyon sa ilalim ng dagat.
Wala namang naitalang oil spill ayon sa pagsusuri ng PCG at DENR-CENRO. Napansin din na walang coral reefs o seagrass beds sa lugar, marahil dulot ng matinding putik sa paligid.
Sa 25 crew members ng barko (13 Pilipino, 12 Tsino), 14 ang nailigtas. Nagsagawa rin ng Misa sa Sabado de Gloria ang PCG Chaplain Services bilang panalangin para sa mga nasawi at mga rescuer. RNT