MANILA, Philippines – Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12255 na lumikha sa National Aviation Academy of the Philippines (NAAP) bilang pangunahing institusyon para sa mataas na edukasyon sa aviation at aerospace.
Nilagdaan noong Setyembre 5, inaatasan ang NAAP na maghanda ng mga propesyunal na kayang makipagsabayan sa buong mundo at magsuplay ng tauhan sa AFP, PNP, at CAAP.
Mag-aalok ang Akademya ng mga degree program gaya ng Aviation Safety and Security, Aviation Technology, Supply Chain Management, at iba pang espesyalisadong kurso, pati na rin pagsasanay sa drone technology, aircraft maintenance, air traffic management, at aerospace engineering.
Pamumunuan ito ng Board of Trustees na binubuo ng chairperson ng CHED, ilang kalihim ng gabinete, pinuno ng Philippine Air Force, director general ng CAAP, at mga kinatawan mula sa industriya ng aviation.
Pinahihintulutan ang NAAP na tumanggap ng pondo mula sa gobyerno, donasyon, at pumasok sa public-private partnerships upang makapagpatayo ng mga pasilidad gaya ng paliparan, hangar, research center, at laboratoryo.
Bilang may kalayaang tulad ng ibang state universities, maaaring magtakda ang NAAP ng sariling polisiya, magbigay ng degree, at makipagtulungan sa mga institusyong lokal at internasyonal.
Magtatayo rin ito ng regional campuses sa Pampanga, Cebu, at Davao para mas mapalawak ang access sa edukasyon sa larangan ng aviation. RNT