MANILA, Philippines – Ipinagpapatuloy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Council on Disability Affairs (NCDA) ang pambansang rollout ng unified ID system para sa mga persons with disabilities (PWD).
Layo nito na pabilisin ang pagrerehistro, pahusayin ang beripikasyon, at protektahan ang karapatan ng mga PWD sa buong Pilipinas.
Binigyang-diin ni NCDA spokesperson Walter Alava na ang magkakaibang proseso ng mga local government units (LGUs) noon ay nagdulot ng gaps sa beripikasyon at pamamahagi ng pekeng PWD ID, na tinatayang nagresulta sa P88.2 bilyon na pagkawala ng kita.
“We are actually on the rollout stage, so this initiative strengthens accessibility, ensures accurate records, and protects the rights of persons with disabilities in the Philippines,” ani Alava.
Ang rollout ay isinagawa sa tatlong yugto: pre-pilot testing sa limang LGUs noong Agosto 2025, capacity-building training para sa 35 LGUs noong Setyembre, at regional rollout sa Luzon, Visayas, at Mindanao mula Oktubre hanggang Nobyembre. Sa kasalukuyan, 537 LGUs ang nakatapos ng training.
Ang unified ID ay may natatanging QR code para sa beripikasyon at puwedeng ilabas sa digital o printed na format. Kabilang sa mga hamon ang magkakaibang kahandaan ng LGUs, kakulangan sa tauhan, problema sa koneksyon sa internet, at antas ng digital literacy, lalo na sa malalayong lugar, na tinugunan sa pamamagitan ng offline registration.
Nakikipag-ugnayan din ang NCDA sa Department of Information and Communications Technology upang maisama ang system sa eGovPH App pagkatapos ng rollout, upang mas mapadali at mas epektibo ang pagbibigay ng benepisyo at serbisyo sa mga PWD. Santi Celario