Home METRO Navotas nakatanggap ng ‘unqualified opinion’ sa COA

Navotas nakatanggap ng ‘unqualified opinion’ sa COA

MANILA, Philippines – Nakatanggap muli ang Navotas City ng unqualified opinion mula sa Commission on Audit (COA), na minarkahan ang ika-10th magkakasunod na taon na nakakuha ang lungsod ng pinakamataas na audit rating na ibinibigay sa mga ahensya ng gobyerno at local government units.

Ang Navotas ang nag-iisang LGU sa Metro Manila na nagpapanatili ng naturang record sa loob ng isang dekada.

Pormal na tinanggap ni Mayor John Rey Tiangco ang 2024 COA report mula kay Venancio Herrera, Supervising Auditor ng Navotas Auditing Unit.

“We thank our constituents for their trust and support. Your confidence continues to inspire us to serve with excellence. Patuloy naming pagbubutihin ang trabaho hindi para sa parangal, kundi para sa kapakanan ng bawat Navoteño,” pahayag niya.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Tiangco sa mga empleyado ng pamahalaang lungsod at binigyang-diin ang kahalagahan ng audit rating sa konteksto ng serbisyo publiko.

“Ang unqualified opinion ay nagsasalamin ng tapat at mahusay nating pamamahala. Sa loob ng sampung taon, pinatunayan natin na sa NavLevel Up na Navotas, may disiplina sa paggamit ng pondo at may malasakit sa serbisyo,” aniya.

“Pero hindi ito dahilan para maging kampante. Paalala ito na kailangang mas maging masinop tayo sa paggamit ng pondo, mas mabilis sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayan, at mas bukas sa mga makabagong solusyon. Kung gusto nating mapanatili ang tiwala ng taumbayan, kailangang araw-araw nating pinagbubuti ang trabaho natin,” dagdag niya.

Ang unmodified opinion ay nagpapahiwatig na ang financial statements ng lungsod ay ipinakita nang patas sa lahat ng materyal na aspeto, alinsunod sa mga pamantayan at patakaran sa accounting ng pamahalaan.

Ang pagbibigay ng COA report ay kasabay ng pagsasara ng unang termino ni Tiangco bilang alkalde at pagsisimula ng kanyang ikalawang termino. Jojo Rabulan