MANILA, Philippines – Kinondena ng Partido Demokratiko Pilipino o PDP ang tangkang ilegal na pag-aresto kay Sen. Ronald Dela Rosa batay sa warrant mula sa ICC, na hindi maipapatupad nang walang kumpirmasyon ng korte sa Pilipinas.
Sa pahayag ng partido sa media viber na ibinahagi ni Atty. Ferdinand Topacio, binatikos din nila ang NBI at ang dating Senate President Vicente Sotto III sa umano’y pagsuporta sa naturang hakbang, na nagdulot ng kaguluhan sa Senado at sa publiko.
Nanawagan ang PDP kay Pangulong Marcos na suspendihin ang mga sangkot sa insidente at sa Korte Suprema na maglabas ng malinaw na patakaran kaugnay ng extradition ng mga Pilipino.
“Nakikiisa kami sa panawagan ni Sen. Imee Marcos para sa kanyang kapatid, ang Pangulo na maggawad-kahit papaano– ng preventive suspension sa mga personalidad na sangkot sa matinding pag-insulto sa Senado sa mga miyembro nito at sa batas” ayon sa partido.
Dagdag pa, ang mga labis na umabuso sa kanilang kapangyarihan at lumabag sa itinatag na mga karapatan sa Konstitusyon at ayon sa batas ay dapat managot at mabigyan ng wastong parusa upang hindi na maulit ang ganitong pagmamataas ng kapangyarihan.
Hinimok din nila ang lahat ng mamamayan na maging mapagmatyag sa pagtatanggol sa mga karapatan at kalayaan. Jocelyn Tabangcura-Domenden