MANILA, Philippines – Walang special treatment sa mga naarestong opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) habang nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ang pahayag ng NBI ay matapos maaresto si Engr. Dennis Abagon ng DPWH MINAROPA sa kanya bahay sa Quezon City nitong Linggo, Nobyembre 23 kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
Binigyang-diin ito ni NBI Officer-in-charge Dir. Angelito Magno habang nananatili ito sa kanilang detention facility.
Isa si Abagon sa mga kapwa akusado ni former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co sa kinakaharap na ‘malversation case’ sa Sandiganbayan.
Ayon sa NBI, isasailalim pa sa karagdagang imbestigasyon si Abagon upang matukoy kung may pananagutan din ang ilang indibidwal na posibleng tumulong habang siya’y nagtatago.
Mananatili ang naarestong opisyal sa ‘secure detention facility’ ng NBI habang hinihintay pa ang ilalabas na kautusan mula sa korteng may hawak ng kaso. Jocelyn Tabangcura-Domenden