MANILA, Philippines – Nakatanggap ang National Center for Mental Health (NCMH) hotline ng 451 tawag kung saan ang anxiety o depressive symptoms ang pangunahing dahilan ng pagtawag, mula Disyembre 21 hanggang 26, 2025, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa isang pahayag noong Biyernes, sinabi ng DOH spokepserson Assistant Secretary Albert Domingo na ang mga babae ang karamihan sa mga tumawag habang ang mga young adults na may edad 18-30 ang madalas na tumatawag.
Sinabi ni Domingo na ang NCMH hotline ay nananatiling bukas para sa mga nangangailangan ng tulong. Maaari itong maabot sa pamamagitan ng landline (1553) o mobile (0919-057-1553 o 0917-899-8727).
Pinapaalalahanan ng DOH ang publiko na maging mas sensitibo at maunawain sa mga taong may mga problema. Binigyang-diin ng ahensiya na bagaman ang mga pista opisyal ay nagdudulot ng kagalakan sa marami, “may ilan na tahimik na nakakaranas ng kalungkutan, pagdadalamhati, o iba pang mabibigat na emosyon.”
Ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa, bagaman maraming problema sa kalusugan ang naitala sa panahon ng pista opisyal, tulad ng hospitalization dahil sa non-communicable diseases, nakikita nila ang mga kaso ng suicide at depression sa panahong ito. Jocelyn Tabangcura-Domenden