MANILA, Philippines — Simula Enero 2026, palalawakin ng administrasyong Marcos ang P20 kada kilong bigas upang makabili na rin ang mga pamilyang kabilang sa below middle-income earners, ayon sa National Food Authority (NFA).
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, patuloy na uunahin sa subsidized rice program ang mga sektor na itinuturing na bulnerable gaya ng mga benepisyaryo ng 4Ps, solo parents, senior citizens, katutubo, persons with disabilities, minimum wage earners, mga nasa public transport sector, magsasaka at mangingisda.
Dagdag niya, isasama na rin sa programa ang mga pamilyang nasa below middle-income bracket bilang bahagi ng layuning maabot ang target na 15 milyong kabahayan sa buong 2026.
Sa kasalukuyan, bumubuo na ang interagency technical working group ng mga patakaran upang matukoy kung sinu-sino ang kuwalipikado sa bagong saklaw ng programa. Gagamitin dito ang datos mula sa Philippine Statistics Authority, Social Security System at Department of Education.
Tiniyak naman ni Lacson na sapat ang suplay ng bigas ng NFA upang suportahan ang pagpapalawak ng programa, na kasalukuyang may 2.2 milyong sako ng bigas sa mga bodega nito.
Ang bigas ay direktang kinukuha mula sa mga lokal na magsasaka at ibinibenta ng pamahalaan sa halagang P20 kada kilo matapos subsidiyahan.
Binibili ito ng gobyerno sa NFA sa halagang P33 kada kilo, kung saan ang P13 na subsidiya ay hinahati ng national government at local government units sa tig-P6.50 bawat isa.
Ayon kay Lacson, sapat ang kasalukuyang imbentaryo upang matustusan ang pangangailangan ng programa mula Enero hanggang Pebrero, at inaasahang madaragdagan pa ang suplay sa susunod na anihan. RNT/JGC