MANILA, Philippines – Naglatag ang Supreme Court (SC) ng mga gabay para patunayan kung sino ang may-ari o kumokontrol sa isang social media account sa mga kasong kriminal.
Sa isang 30-pahina na desisyon na nilabas noong Biyernes, pinagtibay ng Unang Dibisyon ng SC ang paghatol sa isang indibidwal, sa kasong psychological violence laban sa kanyang dating girlfriend dahil sa mga derogatoryong pahayag sa Facebook.
Magkasintahan ng tatlong taon ang dalawa nang mabuntis ang babae. Nag-alok siya ng kasal ngunit tinanggihan ito ng girfriend dahil sa mga problema nila.
Ipinagpatuloy ng babae ang pag-aalaga sa kanilang anak, kasama ang kanyang mga magulang. Makalipas ang ilang taon, nakatanggap ang mga kapatid ng babae ng pribadong mensahe sa Facebook Messenger mula sa account ng lalaki.
Sa mensahe, iginiit ng lalaki na si Mary ang sanhi ng heart attack ng kanyang ina.
Kinabukasan, nalaman niya mula sa isang kaibigan na ang account na iyon ay nag-post ng pahayag sa Kapampangan sa Facebook, na tinawag siyang maruming babae at hayop, at nagbabanta na sasaktan siya kapag nakita niya ito.
Pinagpatuloy niya ang mga insulto sa mga komento sa post, na pampubliko.
Dahil sa takot sa kaligtasan, nagsampa ang babae ng reklamo laban sa dating kasintahan para sa paglabag sa Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children (Anti-VAWC) Act.
Isang protection order ang inilabas para sa kanya habang nireresolba ang kaso.
Sa paglilitis, ipinakita ang mga printout ng screenshot ng Facebook post. Inamin ng babae na ginawa niya ang account para kanyang dating kasintahan noon ngunit sinabi niyang siya na ang gumagamit nito.
Dalawa sa kanyang kapatid ang tumestigo na ang account ay sa lalaki at nakatanggap sila ng mga mensahe mula sa kanya sa account na iyon.
Tinanggi ng lalaki na may-ari siya ng account ngunit kinilala ang mga tao sa profile photo bilang siya at isa sa kanyang mga anak sa kanyang kasalukuyang live-in partner.
Sinabi niyang maaaring may gumamit ng kanyang larawan para gumawa ng pekeng account. Sinabi rin niya na hindi siya makakapag-post dahil nagtrabaho siya bilang waiter sa isang restaurant noon, walang access sa phone.
Ibinasura naman ng Family Court at Court of Appeals ang kanyang denial ay hinatulan siyang guilty.
Pinagtibay ng SC ang paghatol, na binigyang-diin na sa mga kasong kriminal, dapat patunayan ng prosecution hindi lang ang mga elemento ng krimen kundi pati na rin ang pagkakakilanlan ng salarin.
Dahil sa madalas na paggamit ng Facebook sa Pilipinas, sinabi ng SC na madali lang gumawa ng account kahit sino na nag-claim na 13 years old pataas na may email address o mobile number.
Kaya, naglatag ang SC ng mga gabay para patunayan ang may-ari o kontrol sa social media account:
– pag-amin sa pagmamay-ari o pagiging may-akda;
– nakitang nag-aaccess sa account o gumagawa ng post;
– impormasyon na alam lang ng salarin o iilang tao;
– language consistent sa katangian ng salarin;
– records mula sa internet service provider, telecommunications company, o social media site, at resulta ng device forensic analysis na nagpapakita ng geolocation features, at iba pang attribute na nag-uugnay sa account sa salarin;
– mga aksyon na consistent sa mga naunang post; o
– iba pang pagkakataon na nagpapakita ng pagmamay-ari, access, o pagiging may-akda.
Ayon sa SC, ilang factors ang nagpatunay na ang lalaki ang gumawa ng post: ang account name ay may buong pangalan niya, at ang profile photo ay may larawan niya kasama ang anak niya sa live-in partner.
Naglaman din ang post ng mga pahayag na alam lang ng lalaki , tulad ng nickname ni kanyang girlfriend at ang katotohanang na-block siya nito.
Dahil napatunayan na ang lalaki ang gumawa ng post, sinabi ng SC na nakumpleto ang mga elemento ng psychological violence under Section 5(i), kasama ang public ridicule na dinanas ng dating girlfrined .
Hinatulan ng hanggang 8 taon na pagkakakulong ang lalaki at pinagbabayad ng P100,000 na multa, at ipinag-utos na sumailalim sa psychological counseling o psychiatric treatment. Jocelyn Tabangcura-Domenden